Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babae, natagpuang patay sa loob ng SUV sa Batangas

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-26 09:41:36 Babae, natagpuang patay sa loob ng SUV sa Batangas

SANTO TOMAS CITY, Batangas — Isang 30 taong gulang na babae ang natagpuang may tama ng bala sa loob ng isang nakaparadang Sports Utility Vehicle (SUV) sa lungsod ng Santo Tomas nitong Huwebes, Setyembre 25, ayon sa paunang ulat ng Philippine National Police (PNP).

Batay sa ID na natagpuan sa loob ng sasakyan, kinilala ang biktima bilang residente ng Barangay San Rafael, Sto. Tomas. Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital ng mga rumespondeng awtoridad ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Ayon sa ulat ng, isang concerned citizen ang nag-report sa pulisya matapos mapansin ang kahina-hinalang SUV na matagal nang nakaparada sa lugar. Nang buksan ng mga pulis ang sasakyan, tumambad ang katawan ng babae sa passenger seat, na may isang tama ng bala sa katawan.

Sa panayam kay Police Lt. Col. Dennis Reyes, hepe ng Santo Tomas City Police, sinabi niyang “Patuloy ang aming follow-up operation upang matukoy ang motibo sa krimen at kung sino ang responsable.” Dagdag pa niya, kasalukuyang kinakalap ang CCTV footage sa paligid upang matukoy ang huling nakasama ng biktima.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ukol sa posibleng suspek, habang hinihintay ang resulta ng autopsy report mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at oras ng insidente.

Nanawagan ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon at ipagbigay-alam ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.

Larawan mula sa Sto. Tomas PNP