Cash crisis, pumalo sa Masbate — agarang tugon, ₱100M mula sa pamahalaan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-01 17:57:08
MASBATE CITY — Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kakulangan sa cash bilang isa sa mga pangunahing problema sa Masbate matapos ang matinding pinsala ng Bagyong “Opong” (international name: Bualoi), na tumama sa lalawigan noong Setyembre 26.
Sa kanyang pagbisita sa Nursery Elementary School sa Masbate City, kung saan isinagawa ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang naapektuhan, sinabi ng Pangulo na “cash shortage” ang isa sa mga agarang hamon na kinakaharap ng mga residente. “Kaya kami nagpadala ng cash assistance agad para maibsan ang epekto nito,” aniya.
Bilang tugon, iniutos ni Marcos sa Department of Budget and Management (DBM) ang agarang pag-release ng ₱100 milyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF) para sa rehabilitasyon ng lalawigan. Bukod pa rito, nagbigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng ₱28 milyon para sa livelihood assistance at TUPAD program ng mahigit 6,000 benepisyaryo mula sa 11 munisipalidad.
Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tumanggap ng tig-₱10,000 cash assistance ang 600 pamilyang nawalan ng tirahan. Nagbigay rin ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng “chari-timba” na naglalaman ng grocery items, habang ang Philippine Red Cross ay naglunsad ng mobile kitchen para sa mga evacuees.
Bukod sa kakulangan sa pera, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na nawalan ng kuryente ang buong lalawigan, kabilang ang Masbate mainland, Ticao Island, at Burias Island, matapos ang pagbagsak ng mga transmission lines. Patuloy ang koordinasyon ng Department of Energy (DOE) sa mga lokal na electric cooperatives para sa agarang restoration ng suplay ng kuryente.
Nagpadala rin ang Pangulo ng Starlink units sa mga paaralan upang mapabuti ang komunikasyon sa gitna ng krisis. Inatasan niya ang Department of Education (DepEd) na ayusin sa loob ng isang buwan ang 806 silid-aralan na nasira ng bagyo.
“Huwag kayong mag-alala, hindi kayo basta maiiwanan na lang. Nandito ang pamahalaan hanggang kayo ay makabangon,” pahayag ni Marcos sa mga residente.
Larawan mula sa Bongbong Marcos page