Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱10.4-M pinsala iniwan ng Sept.21 riot sa Maynila

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-02 09:09:21 ₱10.4-M pinsala iniwan ng Sept.21 riot sa Maynila

MANILA — Umabot sa tinatayang ₱10.4 milyon ang kabuuang pinsala sa lungsod ng Maynila matapos ang marahas na riot noong Setyembre 21, ayon kay Mayor Isko Moreno. Kinumpirma ito sa isang press briefing noong Setyembre 24, kung saan binigyang-diin ng alkalde ang lawak ng nasira sa mga pampublikong pasilidad, hotel, at traffic infrastructure.

Ayon sa ulat ng Manila Police District at Office of the Mayor, kabilang sa mga nasira ang mga stoplight ng MMDA, ilang bahagi ng Quezon Boulevard, Mendiola, Recto, at Ayala Bridge, pati na ang isang budget hotel na pinasok ng mga nagra-rally. “Umabot na sa ₱10 million pesos ang damage… more or less ₱10.4 million,” pahayag ni Moreno.

Nag-ugat ang kaguluhan mula sa isang malawakang protesta laban sa korapsyon, kaugnay ng isyu sa flood control scam na kinasasangkutan ng ilang kontratista at opisyal ng gobyerno. Bagamat sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatang magpahayag ng saloobin, kinondena ng pamahalaan ang mga grupong naging marahas sa kilos-protesta.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, tinatayang nasa 1,000 katao ang sangkot sa kaguluhan, kung saan 216 ang naaresto. Tinawag ng Palasyo ang mga sangkot na “Team Itim,” na umano’y hindi lehitimong mga aktibista kundi mga manggugulo na may layuning maghasik ng kaguluhan, sunog, at paninira ng ari-arian.

Isa sa mga insidente ay ang pagsunog sa ilalim ng isang 10-wheeler truck sa Ayala Bridge, paghagis ng Molotov cocktails sa Mendiola, at pagsira ng mga placards at tarpaulin. Sa Recto, iniulat ang panloloob sa isang hotel at pagsunog ng mga motorsiklo ng pulisya.

Sinabi ni Mayor Moreno na mahirap palitan agad ang mga nasirang stoplight dahil ito ay “unique product” na hindi madaling makuha sa mga karaniwang hardware. “It will take time to put back all those,” aniya, habang tiniyak na pananagutin ang mga naaresto sa ilalim ng batas.

Patuloy ang pag-aayos sa mga nasirang pasilidad, habang nakahanda ang lokal na pamahalaan na magsampa ng kaso laban sa mga responsable sa kaguluhan.