Diskurso PH
Translate the website into your language:

Baste Duterte nagsampa ng disbarment case vs Remulla, Teodoro, Ty at Fadullon

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-02 17:17:47 Baste Duterte nagsampa ng disbarment case vs Remulla, Teodoro, Ty at Fadullon

MANILA — Pormal nang nagsampa ng disbarment case si Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Korte Suprema laban kina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro, Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon. Ang reklamo ay kaugnay ng umano’y “illegal arrest and transfer” ng dating Pangulong Rodrigo Duterte patungong International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Baste Duterte, ang reklamo ay nakabatay sa paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) ng mga nasabing opisyal. “I think you know that I could not expound on the same but this is related to the kidnapping as well as expulsion of former President Rodrigo Roa Duterte towards The Hague,” pahayag ni Torreon sa ambush interview.

Matatandaang inaresto si dating Pangulong Duterte noong Marso 11 sa Maynila pagbalik niya mula Hong Kong, at agad na inilipad patungong Netherlands upang harapin ang mga kaso sa ICC kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa ilalim ng kanyang anti-drug campaign.

Sa panig ni Remulla, sinabi niyang inaasahan na niya ang pagsasampa ng kaso. “Kasi he lawyers for the Davao group. Kaya 'yun na 'yun… he filed cases in the SC I think when PRRD was already placed in confinement sa airport,” aniya sa isang briefing. Tinawag pa niya ang hakbang na “forum shopping,” bagay na itinanggi ni Torreon.

Bukod sa disbarment case, nagsampa rin si Baste Duterte ng criminal at administrative complaints sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 15 laban sa parehong mga opisyal, pati na rin kina Interior Secretary Juan Victor Remulla, National Security Adviser Eduardo Año, at ilang matataas na opisyal ng pulisya. Kabilang sa mga alegasyon ang kidnapping, arbitrary detention, at pakikipagsabwatan sa umano’y iligal na pagsuko ng dating Pangulo sa ICC.

Ayon kay Torreon, isa sa mga layunin ng disbarment case ay ang pagharang sa aplikasyon ni Remulla para sa posisyon ng Ombudsman. “I do not have any qualms on the matter nor would I hide that's one of the aims that Mayor Duterte filed in this case,” aniya. Dagdag pa niya, “On the side, if that would cause the blocking of his appointment, then that is the consequences of his actions”.

Hanggang sa ngayon, tumanggi si Remulla at Fadullon na magbigay ng komento sa reklamo, dahil hindi pa nila nababasa ang kopya ng complaint.