Ikatlong beses nang pinawalang-sala: De Lima bumuwelta sa DOJ
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-02 17:46:53
OKTUBRE 2, 2025 — Muling pinawalang-sala si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa parehong kaso ng droga na isinampa sa kanya noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte — ikatlong beses na mula noong 2023.
Noong Oktubre 1, tuluyang ibinasura ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang mosyon ng Department of Justice (DOJ) na muling balikan ang ikalawang acquittal ni De Lima. Sa desisyong ito, idineklarang sarado na ang kaso.
“As the Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 204 granted the DOJ (Department of Panel of Prosecutors’ motion to withdraw its motion seeking to reconsider my second acquittal in the same illegal drug case, it is now deemed closed and terminated — for the third time,” pahayag ni De Lima.
(Matapos aprubahan ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang pag-urong ng DOJ sa mosyon nitong balikan ang ikalawang pagpapawalang-sala sa parehong kasong droga, itinuturing na itong sarado at tapos na — sa ikatlong pagkakataon.)
Matatandaang una siyang pinawalang-sala noong Mayo 2023, na sinundan ng ikalawa noong Hunyo matapos pagtibayin ng korte ang desisyon sa kabila ng remand mula sa Court of Appeals.
Nagpasalamat si De Lima kay Judge Abraham Joseph Alcantara sa aniya’y muling pagtataguyod ng hustisya. Ngunit iginiit niyang hindi pa tapos ang laban.
“I am calling on [Department of] Justice Secretary Jesus Crispin Remulla to take swift action regarding my letter-complaint submitted last Aug. 14, requesting an administrative investigation against the members of the DOJ Panel who handled my three trumped-up drug cases, for grave misconduct and gross ignorance of the law,” aniya.
(Nanawagan ako kay [Department of] Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na agad aksyunan ang aking reklamo noong Agosto 14, na humihiling ng imbestigasyong administratibo laban sa mga miyembro ng DOJ Panel na humawak sa tatlong gawa-gawang kaso ko, dahil sa matinding pag-abuso at kawalan ng kaalaman sa batas.)
“There must be [a] reckoning (Dapat may managot). Hindi natin palalampasin ang ginawa nilang paniniil at pambabaluktot sa ating sistemang pangkatarungan. Managot ang dapat managot!” panawagan ni De Lima.
(Larawan: Leila de Lima | Facebook)