Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ina, namatayan ng 2 anak sa lindol; bilang ng nasawi sa Cebu quake,umabot na sa 72

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-02 17:17:46 Ina, namatayan ng 2 anak sa lindol; bilang ng nasawi sa Cebu quake,umabot na sa 72

BOGO CITY, CEBU — Sa gitna ng dalawang puting kabaong, nakaupo si Jesiel Malinao, 34, habang tahimik na nagluluksa sa pagpanaw ng kanyang dalawang anak na nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa Northern Cebu noong Setyembre 30. Ang tagpo ay kuha sa Barangay Binabag, isa sa mga lugar na matinding tinamaan ng magnitude 6.9 na lindol.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 72 ang bilang ng mga nasawi sa buong lalawigan ng Cebu. Karamihan sa mga biktima ay mula sa Bogo City, San Remigio, Medellin, Tabogon, at iba pang kalapit na bayan.

Ang lindol ay tumama bandang 9:59 ng gabi, may lalim na limang kilometro at ang epicenter ay naitala sa 21 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City. Ayon sa PHIVOLCS, ito ang pinakamalakas na lindol na naitala sa Northern Cebu sa kasaysayan, at nagdulot ito ng matinding pinsala sa mga bahay, simbahan, paaralan, at iba pang imprastruktura.

Isa sa mga pinakanakakalungkot na kaso ay ang magkasunod na pagkamatay ng dalawang anak ni Jesiel Malinao, na nadaganan ng gumuhong bahagi ng kanilang bahay habang natutulog. “Hindi ko alam kung paano magsisimula ulit. Ang sakit, ang bigat,” ani Malinao sa panayam ng lokal na media.

Ayon sa OCD Region VII, mahigit 294 ang nasugatan, habang libu-libong pamilya ang nawalan ng tirahan. Patuloy ang relief operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ngunit aminado ang ahensya na kulang pa rin ang supply ng tents, pagkain, at malinis na tubig sa mga evacuation centers.

Nagbabala ang PHIVOLCS na may posibilidad pa ng mga aftershock, na umabot na sa mahigit 2,600 mula noong gabi ng lindol. Dahil dito, patuloy ang panawagan sa mga residente na manatili sa ligtas na lugar at iwasan muna ang pagbabalik sa mga estrukturang may bitak o hindi pa nasusuri ng mga engineer.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. “Buong puso akong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at kasama sa aking mga dasal ang kaligtasan ng mga nasugatan at lahat ng naapektuhan ng lindol,” ayon sa kanyang opisyal na pahayag.

Larawan mula sa REUTERS/ Eloisa Lopez