PHIVOLCS: Malakas na lindol sa Cebu sanhi ng fault na 400 taon nang hindi gumagalaw
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-02 18:11:30
Oktubre 2, 2025 – Isang malakas na lindol na may magnitude 6.9 ang yumanig sa Cebu noong gabi ng Setyembre 30, sanhi ng isang fault na matagal nang hindi gumagalaw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS, ang fault na matatagpuan 19 kilometro mula sa Bogo City, ay nanatiling dormant sa loob ng halos 400 taon bago muling gumalaw. Ang lindol ay naramdaman sa iba’t ibang rehiyon ng Visayas at Mindanao, kabilang ang Zamboanga at Quezon, at naging dahilan ng panic sa maraming residente.
Nagdulot ito ng malawakang pinsala, partikular sa Bogo City at kalapit na bayan. Maraming gusali, paaralan, at imprastruktura ang nasira, habang mga kalsada at tulay ang nadamay sa pagbagsak ng lupa sa ilang lugar. Ayon sa pinakahuling ulat, 69 ang nasawi, habang mahigit 140 ang nasugatan. Maraming pamilya rin ang nawalan ng tirahan, dahilan upang pansamantalang ilipat sa mga evacuation center ang libu-libong residente.
Patuloy ang mga rescue at relief operations, at idineklara ng lokal na pamahalaan ang ilang bahagi ng lalawigan sa state of calamity upang mapabilis ang tulong sa mga nasalanta. Nagbigay ng babala ang PHIVOLCS na may posibilidad pang magkaroon ng maraming aftershocks, at mahigit 2,300 na ito ang naitala sa mga nakalipas na araw.
Binigyang-diin ng ahensya na ang lindol ay horizontal o strike-slip, dahilan kung bakit hindi ito nagdulot ng tsunami. Gayunpaman, ito ay nagpapaalala sa publiko ng kahalagahan ng kahandaan sa mga sakunang pangkalikasan sa rehiyon.
Dagdag pa ni PHIVOLCS, may posibilidad na maging aktibo rin ang iba pang fault system sa Cebu, kabilang ang Bogo Fault, Daanbantayan Lineament, at Cebu Fault System, na may kakayahang magdulot ng lindol mula minor hanggang malakas na magnitude. Patuloy ang monitoring ng ahensya at paalala sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga safety protocols sa panahon ng lindol.
Ang lokal na pamahalaan ay nananawagan sa lahat na maging maingat, huwag bumalik sa mga gusaling delikado pa, at tumulong sa mga apektadong pamilya. Gayundin, nagpahayag ng pasasalamat ang mga rescue teams at volunteers sa mabilis na pagtugon sa mga nasalanta.