Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pink pedestrian lane sa Marilao, binatikos bilang delikado at labag sa road safety standards

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-02 17:04:40 Pink pedestrian lane sa Marilao, binatikos bilang delikado at labag sa road safety standards

MARILAO, BULACAN — Isang reklamo mula sa residente ng Marilao ang umani ng atensyon sa social media matapos ibahagi sa programang “For the Truth Manila” (FTTM) ang umano’y delikadong disenyo ng pedestrian lane sa kanilang lugar. Ayon sa mamamayan, ang pedestrian lane sa Marilao ay kulay pink — isang kulay na mahirap makita sa dilim at hindi madaling matukoy ng mga taong may color blindness.

“Hi, FTTM! Just wanna share this for awareness and concern. ‘Yung pedestrian lane kasi sa lugar namin, Marilao Bulacan, are colored pink ???? and it’s concerning kasi mahirap makita sa dilim and hirap din yung mga tao na color blind, they see other colors except pink,” ayon sa mensaheng ipinadala ng isang concerned citizen. Dagdag pa niya, maging sa mga school zone ay kulay pink din ang pedestrian lane, bagay na lalong nakababahala lalo na sa mga estudyanteng may pasok hanggang gabi.

Ayon sa ulat, ang kulay pink ay tila isinunod sa personal na branding ni Mayor Atty. Jem Sy, na kilalang gumagamit ng pink sa kanyang mga proyekto at kampanya. Gayunpaman, umani ito ng batikos mula sa mga netizen at lokal na grupo gaya ng Marilao Update, na naglabas ng pahayag sa Facebook:

“May dahilan kung bakit PUTI ang pedestrian lane: ito ang pinaka-kitang-kita ng mga motorista at pedestrian sa lahat ng oras. Sa paggamit ng kulay na pink, nalalagay sa panganib ang mga tao. Puwedeng hindi ito agad makilala ng driver bilang pedestrian lane, at maaaring humantong sa aksidente. Hindi po branding ang nakasalalay dito kundi buhay ng mamamayan.”

Hinimok ng grupo si Mayor Sy na iayon ang disenyo ng pedestrian lane sa itinakdang pamantayan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Land Transportation Office (LTO), alinsunod sa mga probisyon ng Road Safety Manual. 

“Ang pamahalaang bayan ay may tungkuling magpatupad ng ligtas at malinaw na sistema sa kalsada, hindi mag-eksperimento sa kulay na maaaring makompromiso ang kaligtasan ng lahat,” dagdag pa ng Marilao Update.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na tugon mula sa tanggapan ng alkalde ukol sa isyu. Gayunpaman, nanawagan ang mga residente na unahin ang kaligtasan kaysa sa personal na estilo o branding. “Kaligtasan muna bago branding. Ang pagkakakilanlan ng Marilao ay mas makikita kung inuuna ang kapakanan ng mamamayan,” giit ng mga netizen.

Larawan mula kay Rjay Diaz, Bulacan Update