Bagong McDonald’s, binasbasan sa Catanauan — Grand opening, gaganapin sa Oktubre 17, 2025
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-16 23:11:13
Catanauan, Quezon — Isang makasaysayang araw para sa mga taga-Catanauan ang naganap ngayong araw matapos opisyal na ganapin ang blessing ceremony ng pinakabagong fast-food chain sa bayan—ang McDonald’s Catanauan.
Dinaluhan ng mga lokal na opisyal, miyembro ng simbahan, at mga residente ang naturang seremonya bilang pagsisimula ng bagong yugto ng pag-unlad sa lokal na ekonomiya. Sa pagbubukas ng nasabing sangay, inaasahang mas maraming trabaho at negosyo ang mabubuksan para sa mga Catanauanin.
Ang seremonya ay sinamahan ng banal na pagbabasbas ng gusali at mga empleyado, bilang simbolo ng pasasalamat at panalangin para sa maayos at matagumpay na operasyon. Ayon sa pamunuan ng McDonald’s, layon ng kanilang bagong branch na makapaghatid hindi lamang ng masarap na pagkain, kundi pati na rin ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga mamamayan ng bayan.
Inaanyayahan din ng McDonald’s Catanauan ang publiko na saksihan ang kanilang Grand Opening sa darating na Biyernes, Oktubre 17, 2025, kung saan nakahanda ang iba’t ibang promos, sorpresa, at mga espesyal na handog para sa mga unang customer.
Sa pagbubukas ng McDonald’s Catanauan, itinuturing itong isang bagong simula para sa mas masiglang lokal na ekonomiya at patunay ng patuloy na pag-unlad ng bayan sa larangan ng negosyo at turismo. (Larawan: LGU of Catanauan / Facebook)