Diskurso PH
Translate the website into your language:

Horror ride sa MassKara, nauwi sa disgrasya — 7 sugatan sa Bacolod

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-16 08:15:36 Horror ride sa MassKara, nauwi sa disgrasya — 7 sugatan sa Bacolod

BACOLOD CITY — Nauwi sa tunay na takot ang inaasahang katuwaan ng mga pasahero ng isang horror train ride matapos itong madiskaril sa kasagsagan ng MassKara Festival sa Bacolod City noong gabi ng Oktubre 13.

Ayon sa Bacolod City Police, pito katao kabilang ang tatlong menor de edad ang nagtamo ng minor injuries matapos tumaob ang isang bagon ng horror-themed train ride sa carnival grounds sa likod ng Bacolod City Government Center (BCGC). Agad na dinala sa ospital ang mga biktima para sa gamutan.

Batay sa paunang imbestigasyon, walang nakitang mechanical failure sa tren. Sa halip, itinuturong dahilan ng insidente ang pagpanik at pagtalon ng ilang pasahero sa loob ng bagon habang umaandar ito. “The accident was primarily caused by passengers jumping or panicking inside the carriage, causing the ride to lose balance,” ayon sa ulat ng Bacolod Police.

Isang viral na video na ibinahagi ng netizen na si Miko Fernandez ang nagpakita ng eksena matapos ang insidente, kung saan makikitang tumagilid ang tren habang tinutulungan palabas ang mga bata mula sa nasirang bagon.

Dahil sa insidente, agad na ipinag-utos ni Bacolod City Mayor Greg Gasataya ang inspeksyon sa lahat ng carnival rides sa lungsod. “Safety is our utmost concern, which is why we have asked the City Engineer’s Office to inspect all carnivals operating during the celebration of the MassKara Festival,” pahayag ng alkalde.

Pinangunahan ng Mechanical Division ng City Engineer’s Office, kasama ang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), ang masusing pagsusuri sa mga pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Ang MassKara Festival ay taunang selebrasyon sa Bacolod na kilala bilang “Festival of Smiles,” ngunit ang insidenteng ito ay nagsilbing paalala sa kahalagahan ng mahigpit na safety protocols sa mga pampublikong aktibidad.

Larawan mula BCCO