Diskurso PH
Translate the website into your language:

1-taóng gulang, patay sa sunog sa Dagupan; ceiling fan pumutok

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-17 16:50:30 1-taóng gulang, patay sa sunog sa Dagupan; ceiling fan pumutok

DAGUPAN CITY — Nasawi ang isang 1-taong-gulang na batang babae matapos sumiklab ang sunog sa kanilang tahanan sa Barangay Mayombo, Dagupan City, Pangasinan nitong Huwebes, Oktubre 16. Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), sanhi ng sunog ang pumutok na ceiling fan na malapit sa mga damit at tela sa loob ng silid.

Sa ulat ng GMA Regional TV, sinabi ng lolo ng biktima na na-trap sa nasusunog na kuwarto ang bata at ang kanyang inang buntis. Agad namang bumalik ang lola upang iligtas ang mag-ina.

Isinugod sa ospital ang bata ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding paso sa katawan.

Ang ina ng biktima ay kasalukuyang nagpapagaling matapos magtamo ng third-degree burns. Ayon sa salaysay ni Liza Victoria Eristengcol, kamag-anak ng mga biktima, nagpapahinga lamang sila nang biglang sumiklab ang apoy. “Pagbalik ko mula sa banyo, nasusunog na ang kisame,” aniya.

Hindi nadamay ang mga kalapit na bahay, ngunit patuloy pa ring tinataya ng BFP ang kabuuang halaga ng pinsala. Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na tiyaking ligtas ang mga kagamitang de-kuryente at iwasang ilapit ang mga ito sa madaling magliyab na materyales.