14-anyos na nagbibisikleta, patay matapos mabangga ng dump truck sa QC
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-17 08:41:30
QUEZON CITY — Nasawi ang isang 14-anyos na lalaking nagbibisikleta matapos mabangga ng isang dump truck sa bahagi ng C5 Extension Road sa Barangay Old Balara, Quezon City, pasado alas-11:00 ng gabi nitong Huwebes, Oktubre 16.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival. Hindi pa inilalabas ang kanyang pagkakakilanlan habang inaabisuhan ang kanyang pamilya.
Batay sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng biktima ang kalsada sakay ng bisikleta nang bigla itong mabangga ng dump truck na minamaneho ng isang 55-anyos na lalaki. Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 5 ang driver habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Nagpahayag ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima at nanawagan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng road safety measures, lalo na sa mga lugar na madalas daanan ng mga kabataan.
Inaasahan ang karagdagang ulat mula sa mga awtoridad kaugnay ng posibleng pagsasampa ng kaso laban sa driver ng dump truck.
Larawan mula kay Bea Cuadra