Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mall hours sa Metro Manila, 11 a.m. to 11 p.m. na simula Nov. 17

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-17 17:47:08 Mall hours sa Metro Manila, 11 a.m. to 11 p.m. na simula Nov. 17

OKTUBRE 17, 2025 — Magbabago ang oras ng pagbubukas ng mga mall sa Metro Manila simula Nobyembre 17, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), bilang hakbang upang maibsan ang inaasahang pagbigat ng trapiko ngayong kapaskuhan.

Mula Lunes hanggang Biyernes, bubuksan ang mga mall sa ganap na alas-11 ng umaga at magsasara ng alas-11 ng gabi. Hindi saklaw ng bagong iskedyul ang weekends at holidays.

“Ang napagkasunduan po namin ay yun pong mall hours ay magsisimula ng 11 a.m. to 11 p.m. effective November 17 hanggang December 25,” pahayag ni MMDA Chairperson Romando Artes. 

Dagdag pa ni Artes, lilimitahan ang mga mall-wide sale tuwing weekends lamang upang hindi makadagdag sa trapiko sa weekdays.

“Effective po ito Monday hanggang Friday, exemptions po dito ang weekends and holidays,” ani Artes. 

Bukod dito, ipatutupad din ang bagong oras para sa mga delivery sa loob ng mall premises. Papayagan lamang ang paghahatid ng mga produkto mula alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Taun-taon, inaasahan ang dagsa ng mga mamimili sa mga mall at terminal tuwing Disyembre, dahilan upang ipatupad ng MMDA ang ganitong klaseng hakbang. Layunin nitong maibsan ang pagsisikip ng kalsada lalo na sa rush hour.

Ang koordinasyon sa pagitan ng MMDA at mga mall operator ay bahagi ng mas malawak na plano para sa holiday traffic management sa Kalakhang Maynila.

(Larawan: Festival Mall | Facebook)