‘Secret reversal’ lumutang; Remulla umatras sa pagpapatalsik kay Villanueva
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-23 16:59:39
MANILA — Binawi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang kanyang naunang plano na ipatupad ang 2016 dismissal order laban kay Senator Joel Villanueva, matapos mabunyag na may “secret reversal” na umano’y isinagawa ng dating pamunuan ng Office of the Ombudsman.
“Apparently, there was a reversal that was not made public. So we cannot enforce something that has already been reversed,” ani Remulla sa isang press briefing.
Ang nasabing dismissal order ay kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱10 milyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Villanueva noong siya ay party-list representative. Noong 2016, tinutulan ng Senado ang implementasyon ng order, at iginiit na tanging ang Kongreso ang may kapangyarihang magdisiplina sa sarili nitong mga miyembro.
Sa kabila ng reversal, hindi pa rin malinaw kung kailan ito isinagawa o sino ang nag-apruba. “We’re still trying to trace the documents. It was never published, never disclosed,” dagdag ni Remulla.
Samantala, mariing itinanggi ni Villanueva ang mga paratang at tinawag ang dismissal order bilang isang anyo ng panliligalig. “It’s harassment,” ani Villanueva sa panayam, kasabay ng pagtutol sa muling pagbubukas ng isyu. Nanindigan siyang wala siyang nilabag at ang mga akusasyon ay bahagi ng “political maneuvering.”
Ang isyu ay muling lumutang sa gitna ng mga imbestigasyon sa flood control corruption, kung saan ilang dating opisyal ng DPWH ang nagsabing may kinalaman si Villanueva sa umano’y kickbacks sa mga proyekto sa Bulacan. Mariin din itong itinanggi ng senador sa isang privilege speech.
Patuloy ang pagtutok ng publiko sa transparency at accountability ng mga institusyon, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa mga halal na opisyal.