Diskurso PH
Translate the website into your language:

Karumal-dumal! Babae pinaslang sa loob ng simbahan sa Cebu

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-25 08:00:53 Karumal-dumal! Babae pinaslang sa loob ng simbahan sa Cebu

LILOAN, CEBU — Isang babae ang natagpuang patay sa loob ng San Fernando El Rey Parish sa Liloan, Cebu nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 24. Ayon sa pulisya, may mga palatandaan ng karahasan sa katawan ng biktima, kabilang ang sugat sa likod ng ulo, dugo sa ilong, at itim na marka sa leeg na posibleng indikasyon ng sakal.

Batay sa paunang imbestigasyon, tinatayang nasa 30-anyos ang biktima, na hindi pa rin nakikilala sa oras ng ulat. Natagpuan siya ng mga tauhan ng simbahan bandang alas-9:30 ng umaga at agad dinala sa Danao District Hospital, kung saan siya ay idineklarang patay na.

Ayon sa mga saksi, may narinig silang sigaw ng babae bago ito natagpuang walang buhay. Nakita rin umano itong kasama ng isang lalaking nakasuot ng itim na t-shirt ilang sandali bago ang insidente.

Sinisilip ng mga awtoridad ang posibilidad ng foul play, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang suspek. Wala pang opisyal na pahayag mula sa pamunuan ng simbahan, ngunit pansamantalang isinara ang lugar upang bigyang-daan ang forensic examination.

Ang insidente ay nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Liloan, na nananawagan ng mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong lugar, kabilang ang mga simbahan.