Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Manila LGU, naghahanda na para sa ligtas at maayos na pagdiriwang ng ‘Pista ng Nazareno 2026’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-18 00:06:24 Tingnan: Manila LGU, naghahanda na para sa ligtas at maayos na pagdiriwang ng ‘Pista ng Nazareno 2026’

MANILA, Philippines — Ibinahagi ng pamunuan ng Quiapo Church sa isang press conference ang kanilang maagang paghahanda upang matiyak na banal, maayos, at ligtas ang selebrasyon ng Pista ng Nazareno 2026.

Tiniyak ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, na itinalagang Hermano Mayor ng Nazareno 2026, na buong suporta ang ibibigay ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa sampung araw na selebrasyon mula December 31, 2025 hanggang January 9, 2026.

“Kami po, ang inyong pamahalaang lungsod, kung ano ang aming maitutulong sa maliit naming kaparaanan bilang lokal na pamahalaan ay siya ulit naming ibibigay sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Nazareno 2026,” ani Mayor Isko.

Ayon pa sa alkalde, sa mga petsang January 7-9, 2026, 'non-negotiable' ang mga kalsada sa paligid ng Quiapo Church dahil sa inaasahang pagdagsa ng milyon-milyong deboto. Inihanda rin ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Command Center para sa mas sistematikong pamamahala ng crowd, seguridad, at emergency response.

Pinayagan din ni Mayor Isko ang mga media outlet na magkaroon ng access sa command center para sa live feeds, aerial views, at iba pang coverage materials, na magagamit sa paghahatid ng balita. Aniya, “Pwede kayo tumusok sa amin. Sa mga network — radio and television, pwede n'yong tusukan ang sistema namin at papayagan namin kayo,” bilang hakbang para masiguro ang maayos at transparent na pagbabalita ng naturang kaganapan.

Naniniwala ang pamunuan ng Quiapo Church at Manila LGU na sa maagang paghahanda at koordinasyon, magiging ligtas, maayos, at makabuluhan ang selebrasyon ng Nazareno 2026, na pinakaaabangan ng milyon-milyong deboto sa buong bansa. (Larawan: Manila PIO / Facebook)