Purok 2 Tagmamarkay sa Tubay, Agusan Del Norte, hindi na madaanan dahil sa bahang dulot ng bagyong ‘Verbena’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-24 22:37:51
AGUSAN DEL NORTE — Hindi na madaanan ang pangunahing kalsada sa Purok 2, Barangay Tagmamarkay, Tubay, Agusan del Norte ngayong hapon ng Lunes, Nobyembre 24, matapos umapaw ang tubig sa kalsada dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan na dulot ng Bagyong “Verbena.”
Sa litrato na ibinahagi ng isang residente, makikita ang ilang motorista na tinutulak ang kanilang mga sasakyan at motorsiklo upang maitawid sa mataas na tubig. Dahil dito, maraming sasakyang bumiyahe patungo sa sentro ng bayan ang napilitang huminto at maghintay ng mas mababang lebel ng baha bago magpatuloy.
Nagbigay naman ng paalala ang uploader na iwasan muna ng mga maliliit na sasakyan ang pagdaan sa lugar, lalo na ang mga motorsiklo at kotse na madaling tumirik kapag nabasa ang makina. Pinayuhan din ang mga residente at biyahero na magdoble-ingat at maghanap muna ng alternatibong ruta upang maiwasan ang posibleng pagka-stranded o aksidente.
Patuloy namang binabantayan ng lokal na pamahalaan at disaster management team ang sitwasyon, habang pinag-iingat ang mga residente malapit sa mabababang lugar sakaling lumala pa ang pag-ulan dahil sa bagyo. Inaasahan ding maglalabas ng karagdagang abiso ang LGU kung patuloy pang tataas ang tubig sa kalsada. (Larawan: Jaguar Survival / Facebook)
