100k manggagawa, sapul sa pagbagsak ng flood control contractors
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-28 16:33:48
NOBYEMBRE 28, 2025 — Mahigit 100,000 manggagawa sa sektor ng konstruksiyon ang direktang naapektuhan matapos kanselahin ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng mga kumpanyang sangkot sa kontrobersyal na flood control projects. Ang hakbang na ito, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ay nagdulot ng malawakang pagkakawala ng trabaho sa mga skilled at semi-skilled workers.
Sa deliberasyon ng panukalang 2026 budget ng DOLE, binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian ang bigat ng epekto sa hanay ng mga manggagawa.
“Ini-expect natin na maraming disruption sa labor market this coming few months because of this issue,” aniya.
Itinulak naman ni Senadora Risa Hontiveros ang usapin sa Senado, at binanggit na ang mga pamilya ng mga nawalan ng hanapbuhay ay nangangailangan ng “urgent and longer-term assistance.”
Noong Oktubre, kinumpirma ng Department of Trade and Industry na nasa huling yugto na ang PCAB sa pagbawi ng lisensya ng 15 pangunahing kontraktor na pinangalanan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa anomalya sa flood control projects.
Aminado si Gatchalian na bumabagal ang galaw ng industriya ng konstruksiyon, na maaaring magdulot pa ng karagdagang pagkawala ng trabaho kung magpapatuloy ang pagbagsak. Gayunman, tiniyak niyang kumikilos na ang DOLE upang mailipat ang ilang manggagawa sa mga proyekto ng pamahalaan at sa lumalago pa ring pribadong sektor.
“Baka meron na available na trabaho sa private sector kasi ang construction in the private sector, hindi naman affected. Tuloy-tuloy pa rin ang growth in the private sector,” paliwanag niya.
Bukod sa pansamantalang tulong sa trabaho, inilunsad din ng DOLE ang convergence program kasama ang TESDA para sa reskilling at upskilling ng mga manggagawang kontraktwal.
“Marami sa mga construction worker, hindi regular employees. Marami rito mga contractual employees, so meron silang temporary work assistance. And then, meron din silang convergence program with TESDA insofar as reskilling and upskilling,” dagdag ni Gatchalian.
Sa gitna ng krisis, pinapalakas din ng DOLE ang job search program upang maibsan ang epekto ng malawakang displacement sa sektor ng konstruksiyon.
(Larawan: Philippine News Agency)
