Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH worker patay, isa sugatan sa landslide habang naglilinis ng kalsada sa Cagayan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-28 14:52:37 DPWH worker patay, isa sugatan sa landslide habang naglilinis ng kalsada sa Cagayan

STA. PRAXEDES, Cagayan — Isa ang nasawi at isa ang sugatan matapos matabunan ng landslide ang dalawang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2 habang nagsasagawa ng clearing operations sa Barangay San Juan, Sta. Praxedes, Cagayan nitong Huwebes.

Ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Sta. Praxedes, nagsasagawa ng clearing ang dalawang maintenance workers matapos ang minor landslide sa lugar nang biglang gumuho ang mas malaking bahagi ng bundok. 

“Nagsasagawa ng clearing operation ang dalawang maintenance worker sa lugar dahil sa minor landslide na naitala subalit biglang gumuho ang malaking bahagi ng bundok dahilan upang matabunan ang mga ito,” pahayag ni MDRRMO head Marlene Miralles.

Agad na isinugod sa ospital ang dalawang biktima. Isa sa kanila ang binawian ng buhay habang ang isa ay patuloy na ginagamot at nasa ligtas nang kalagayan. Isa pang kasamahan nila ang nakaligtas sa insidente.

Batay sa ulat ng DPWH Region 2, ang clearing operations ay bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na pagtugon sa mga kalsadang naapektuhan ng malakas na ulan at pagguho ng lupa sa Cagayan Valley. Ang rehiyon ay nakaranas ng sunod-sunod na pag-ulan dulot ng sama ng panahon, na nagdulot ng pagbaha at landslide sa iba’t ibang bayan.

Nagpahayag ng pakikiramay ang pamunuan ng DPWH sa pamilya ng nasawing empleyado. “We deeply mourn the loss of our colleague who died in the line of duty. His sacrifice will not be forgotten,” ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya.

Samantala, nagbabala ang lokal na pamahalaan sa mga motorista at residente na mag-ingat sa pagdaan sa mga kalsadang malapit sa bundok at ilog, lalo na sa panahon ng malakas na ulan. Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang MDRRMO sa DPWH para sa clearing at monitoring operations upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa panganib na kinakaharap ng mga frontliners sa disaster response at maintenance operations. Sa kabila ng trahedya, tiniyak ng DPWH na ipagpapatuloy ang kanilang trabaho upang maibalik ang normal na daloy ng trapiko at matulungan ang mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad.

Larawan mula Sta. Praxedes Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office