Diskurso PH
Translate the website into your language:

Permit to carry firearms, suspendido muna sa NCR mula Nov. 29-Dec. 1 dahil sa mga rally

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-28 21:11:50 Permit to carry firearms, suspendido muna sa NCR mula Nov. 29-Dec. 1 dahil sa mga rally

NOBYEMBRE 28, 2025 — Ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) ang suspensyon ng lahat ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) sa buong Metro Manila mula alas-12:01 ng madaling-araw ng Nobyembre 29 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Disyembre 1. Kaugnay ito ng inaasahang malawakang kilos-protesta laban sa korapsyon sa Nobyembre 30.

Ayon sa Firearms and Explosives Office (FEO), tanging mga tauhan ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement agencies na nasa opisyal na tungkulin at nakasuot ng prescribed uniform ang pinapayagang magdala ng armas sa naturang panahon.

Kasabay ng suspensyon, naglatag ng mas matinding seguridad ang pambansang pulisya. Inihayag ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na aabot sa 15,000 pulis ang ide-deploy sa iba’t ibang lugar ng aktibidad.

“The deployment is not about intimidation, it's about readiness. We expect large number of crowds in multiple activity areas so our personnel on the ground should be quick in responding to emergencies and even any violation of the law,” pahayag ni Nartatez. 

(Hindi ito tungkol sa pananakot, kundi sa kahandaan. Inaasahan namin ang malaking bilang ng tao sa iba’t ibang lugar kaya dapat mabilis ang aming mga tauhan sa pagtugon sa emergencies at anumang paglabag sa batas.)

Dagdag pa niya, “Let me be clear that law enforcement presence does not mean aggressive action. The order for maximum tolerance still remains.” 

(Lilinawin ko na ang presensya ng mga pulis ay hindi nangangahulugang agresibong aksyon. Nananatili ang utos ng maximum tolerance.)

Bagama’t walang natukoy na tiyak o credible na banta, iginiit ni Nartatez na kinakailangan pa rin ang mga hakbang na ito upang maiwasan ang anumang kaguluhan. Binanggit din niya ang posibilidad ng pagpasok ng mga grupong may layong manggulo, gaya ng nangyari sa protesta noong Setyembre 21 sa Maynila.

“May ganitong considerations lagi sa malalaking gatherings. Naka-focus ang intelligence monitoring natin sa potential agitators. Rest assured, we are coordinating closely with other agencies to prevent any attempt to hijack the peaceful intent of the rally,” aniya. 

(Laging may ganitong konsiderasyon sa malalaking pagtitipon. Naka-focus ang aming intelligence monitoring sa mga posibleng manggulo. Makakaasa kayong nakikipag-ugnayan kami sa iba pang ahensya para maiwasan ang anumang tangkang guluhin ang mapayapang layunin ng rally.)

Sa kabuuan, layon ng PNP na tiyakin ang kaligtasan ng publiko habang ginagarantiyahan ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng saloobin.



(Larawan: Philippine National Police | Facebook)