Tulfo isinusulong ang mahigpit na pagpapatupad ng 13-month pay, Anti-Age Discrimination Law
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-28 16:36:12
NOBYEMBRE 28, 2025 — Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang 2026 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE), muling binigyang-diin ni Senador Raffy Tulfo ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas sa paggawa, partikular sa pagbibigay ng 13th-month pay sa mga manggagawa.
Bagama’t iniulat ni Senador Sherwin Gatchalian, sponsor ng P49.8 bilyong pondo para sa DOLE at mga attached agencies, na may 99.15% compliance rate ang departamento, iginiit ni Tulfo na hindi ito sumasalamin sa aktwal na sitwasyon. Marami pa ring reklamo ang kanyang natatanggap mula sa mga empleyado na hindi nakatanggap ng kanilang benepisyo.
“Ilang negosyante, ilang negosyo ang na-monitor ninyo? Kasi po, sa aking action center all over the country … pumupunta sa akin at nagrereklamo na ang kanilang kumpanya ay hindi nagbigay ng 13th-month pay … Dapat ho 100% ang compliance rate,” giit niya.
Iminungkahi naman ni Tulfo na huwag i-renew ng mga lokal na pamahalaan ang business permits ng mga kumpanyang hindi nagbabayad ng tamang benepisyo. Bukod dito, nais niyang lagyan ng body-worn cameras ang mga field inspector upang masiguro ang transparency at maiwasan ang katiwalian.
“Napapansin ko po, pupunta ang isang field inspector sa isang kumpanya, makikipag-usap sa opisina, kausap ang accounting at HR, nakasara ang pinto … So with that body-worn camera, I think matitigil siguro ’yan,” wika niya.
Binanggit din ni Tulfo na may 1,210 field inspectors lamang ang DOLE, malayo sa tinatayang 4,913 na kinakailangan upang mabantayan ang malalaking negosyo. Nanawagan siya ng agarang pagpapalit sa mga hindi epektibong inspector at dagdag na tauhan.
“Even kung aalis ang isa, palitan natin ng tatlo, I don’t care. As long as ’yung tatlong ipapalit natin, matitino na,” giit niya.
Bukod sa benepisyo, binatikos din ni Tulfo ang diskriminasyon sa edad sa mga hiring process na aniya’y pumipinsala sa senior citizens at mga balikbayan na OFWs.
“Makapag-apply ka, pero nirejec t… Makikita mo puro mga bata, gwapo, maganda, sexy, etcetera. Wala kang makikitang senior citizen …” wika niya.
Hinimok niya ang DOLE na mas aktibong ipatupad ang Anti-Age Discrimination Law at magbigay ng insentibo sa mga kumpanyang tatanggap ng senior citizens at PWDs.
Tinukoy rin ni Tulfo ang kakulangan ng pondo at tauhan sa National Labor Relations Commission (NLRC), na nagdudulot ng mabagal na resolusyon sa mga kaso.
“Tuwing nagkakaroon ng desisyon ang NLRC at ang desisyon ay pabor sa manggagawa … ang sinasabi palagi ng sheriff, walang pang-gasolina … So ngayon, kung kulang talaga sa budget. Dagdagan natin,” mungkahi niya.
Sa pagtatapos, iginiit ni Tulfo na hindi na dapat maulit ang eksenang maraming manggagawa ang nakapila tuwing Enero dahil hindi natanggap ang kanilang 13th-month pay.
“Sa maraming taon, ang dami pong naapi ng mga manggagawa natin … At lastly, ’yung 13th-month pay, ayaw ko nang makita na sa pagdating ng January, pipila na naman … dahil hindi nabigyan ng 13th-month pay,” wika ng senador.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
