Diskurso PH
Translate the website into your language:

Raffy Tulfo isinusulong ang pag-obliga sa e-trike drivers na kumuha ng lisensya, rehistro

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-04 13:42:57 Raffy Tulfo isinusulong ang pag-obliga sa e-trike drivers na kumuha ng lisensya, rehistro

DISYEMBRE 3, 2025 — Dahil sa tumitinding usapin sa kaligtasan sa kalsada, muling binigyang-diin ni Senador Raffy Tulfo ang pangangailangan na gawing mandatory ang pagkakaroon ng lisensya at rehistro para sa mga gumagamit ng e-trike. Ayon sa kanya, ang kawalan ng malinaw na regulasyon ay nagdudulot ng kalituhan sa pagpapatupad ng batas trapiko at nagiging sanhi ng patuloy na pagdami ng aksidente.

Sa konsultatibong pagdinig ng Senate Committee on Public Services, binigyang-linaw ni Tulfo na hindi sakop ng kasalukuyang regulasyon ang ilang light electric vehicles (LEV) na ginagamit lamang sa pribadong paraan at hindi dumadaan sa mga pangunahing lansangan. Gayunman, iginiit niyang ang mga e-trike na bumabagtas sa mga sekondarya, lokal, at barangay na kalsada ay dapat obligadong kumuha ng espesyal na lisensya.

“If it is for private use and hindi gagamitin sa highway, exempted sila sa pagpapa-register. However for me, even if it's not for public use and even if they're not using it as a highway, they're using the secondary road or local roads, barangay roads, as long as may traffic doon at may ibat ibang klaseng vehicles, they must secure driver's license," wika ni Tulfo. 

Dagdag pa niya, ang kawalan ng lisensya ay nagiging hadlang sa mga enforcer na magbigay ng tiket sa mga lumalabag. 

“Kasi sa ngayon, pag nag-violate sila ng traffic laws natin, paano sila ticketan? Samantalang mga tricycle, motosiklo, kotse, pag na-violate matiticketan ka, may kalalagyan ka. Eto sila mga e-trike ... hindi nila alam yung mga traffic laws and regulations,” aniya. 

Kinumpirma ni MMDA Traffic Enforcement Group Director III Atty. Victor Nuñez ang problema sa pagpapatupad. Ayon sa kanya, hindi mahuli ng MMDA ang mga e-trike na nakikita sa CCTV dahil karamihan sa mga ito ay walang rehistro at plaka. Dahil dito, paulit-ulit na nakakalusot ang mga lumalabag nang walang pananagutan.

Binanggit din ni Tulfo ang ilang programa ng mga lokal na pamahalaan na naglalayong magbigay ng e-trike bilang kabuhayan, ngunit madalas ay hindi nakikipag-ugnayan sa pambansang ahensya. 

“I think the local government, I've heard ... may mga programa ang LGU, sila na mismo ang nagpo-provide ata or nage-endorso kung sino yung pwedeng pagbilhan ng e-trike at ilo-loan sa banko and then bibigyan nila permiso na makapagmaneho at may kaunting negosyo ang mayor para sa siyudad,” aniya. 

Samantala, ipinaliwanag naman ni Land Transportation Office (LTO) Executive Director Atty. Greg Pua na maraming e-trike ang hindi sakop ng exemption sa ilalim ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) dahil sa bigat ng mga ito. 

“Kailangan din po talaga siyang mag-driver's license … Ang issue lang po under the EVIDA is yung LEVs or the 50 kilograms and below … more than 50 kilos yung mga bumbyahe na common carrier … yung iba sinasakay pa nga sampu,” sabi ni Pua.

Binigyang-diin ni Tulfo na kahit ang mga e-trike na ginagamit sa pribadong biyahe gaya ng paghatid sa paaralan o pamamalengke ay dapat may lisensya upang matiyak na alam ng mga driver ang mga batas trapiko. 

“Para sakin, siguro kailangan nila ng driver's license para alam nila yung rules and regulations sa kalye natin when it comes to traffic, do you agree?” tanong niya. 

Sumang-ayon si Pua at sinabing ito ay isa sa mga direktiba ng acting DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez na kanilang pag-aaralan.

Sa huli, iginiit ni Tulfo na dahil marami sa mga e-trike operator ay kumikita sa pamamasada, dapat silang isailalim sa parehong regulasyon gaya ng mga tricycle driver. 

“Para sakin, tutal namamasada sila, kumikita sila, dapat may driver's license,” aniya. 

Nagbigay pa ng tatlong araw si Tulfo sa LTO upang magpasya kung ipagpapaliban ang implementasyon ng pagbabawal sa e-trike sa mga pangunahing kalsada, na orihinal na nakatakda sa Enero 2, dahil kulang umano ang kampanya sa impormasyon para sa publiko.



(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)