Diskurso PH
Translate the website into your language:

Laban kontra abusadong parking fees, isinusulong ni Jinggoy

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-13 21:38:56 Laban kontra abusadong parking fees, isinusulong ni Jinggoy

DISYEMBRE 13, 2025 — Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na magtatakda ng pamantayan sa singil sa paeking upang tapusin ang matagal nang reklamo ng publiko laban sa sobra-sobrang bayarin sa mga mall, establisimyento, at pribadong parking facilities.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1001 o Parking Fee Regulation Act, malinaw na itinatakda ang limitasyon: ₱50 para sa unang walong oras ng kotse, ₱30 para sa motorsiklo, at dagdag na ₱10 kada oras. Ang overnight rate ay hindi lalampas sa ₱200 para sa kotse at ₱100 para sa motorsiklo. Para naman sa valet service, maaaring maningil ng karagdagang ₱100.

Bukod sa presyo, nakapaloob din sa panukala ang libreng paradahan para sa mga customer na bibili ng hindi bababa sa ₱1,000. May obligasyon din ang lahat ng establisimyento na magbigay ng 30 minutong palugit para sa drop-off, pick-up, o mabilisang pagdaan.

Mariin ding ipinagbabawal ang karaniwang “Park at your own risk” signage. 

Ayon kay Estrada, “If customers pay, establishments must be accountable. Hindi pwedeng kumikita sila, pero kapag nagkaroon ng aberya, hugas-kamay agad.” 

(Kung nagbabayad ang mga customer, dapat managot ang mga establisimyento. Hindi puwedeng kumikita sila, pero kapag nagkaroon ng problema, agad silang umiiwas.)

Dagdag pa ng senador, “Parking has become a daily struggle – mahal na, madalas mahirap pa makahanap sa mga matataong lugar. Some establishments take advantage of the situation and, worse, refuse responsibility when a customer’s vehicle gets damaged or stolen.” 

(Ang paradahan ay naging araw-araw na pahirap — mahal na, madalas mahirap pa makahanap sa matataong lugar. May mga establisimyento pang sinasamantala ang sitwasyon at, mas masahol, tumatanggi sa pananagutan kapag nasira o nanakawan ang sasakyan ng customer.)

Itinatakda rin ng panukala na maglabas ng opisyal na resibo ang mga parking facility at malinaw na ipaskil ang presyo sa mga pasukan. 

Ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱100,000 kada paglabag at posibleng masuspinde o mabawi ang lisensya sa negosyo.

Nilinaw ni Estrada na hindi layunin ng batas na pabigatin ang negosyo kundi tiyakin ang patas na kalakaran. 

“This bill strikes a balance – consumers get protection, and businesses can still earn reasonable returns by making parking a service, not a burden.” 

(Ang panukalang ito ay nagbibigay ng balanse — napo-protektahan ang mga mamimili, at patuloy pa ring kikita nang makatarungan ang mga negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo, hindi pasanin.)

Ang Department of Trade and Industry, katuwang ang DILG at iba pang ahensya, ang maghahanda ng mga patakaran sa loob ng 60 araw mula sa pagkapasa ng batas.



(Larawan: Philippine News Agency)