Diskurso PH
Translate the website into your language:

Isang tatay na bumiyahe patungong Negros upang dalawin anak na may sakit, nawawala!

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-16 23:02:49 Isang tatay na bumiyahe patungong Negros upang dalawin anak na may sakit, nawawala!

DISYEMBRE 16, 2025 Patuloy ang panawagan ng pamilya Villaluz para sa agarang tulong ng publiko at mga awtoridad matapos mawala ang 53-anyos na si Danilo Villaluz, na bumiyahe mula Batangas patungong Negros sakay ng Batangas–Caticlan ferry noong Disyembre 13, 2025.

Ayon sa anak ng nawawala na si Diana Villaluz, nagpasya ang kanyang ama na bumiyahe upang puntahan ang isa pa nilang kapatid na kasalukuyang naka-confine sa ospital sa Negros. Normal pa umano ang kanilang komunikasyon noong araw ng biyahe. Nakatawag pa raw si Danilo sa kanyang pamilya at nakapagpadala ng selfie, bago magpaalam na matutulog muna upang magpahinga habang nasa biyahe.

Gayunman, kinabukasan ng Disyembre 14, bigla na lamang naputol ang komunikasyon. Wala na umanong text o tawag na natanggap ang pamilya mula kay Danilo. Lalong nabahala ang mga kaanak nang may isang lalaking sumagot sa cellphone ng nawawala at nagpakilalang staff ng ferry na sinakyan nito.

Mas lalo pang naging palaisipan ang sitwasyon nang matuklasan na naiwan sa ferry ang mga personal na gamit ni Danilo, kabilang ang kanyang backpack, sling bag, sapatos, ID, pera, at cellphone. Dahil dito, hindi maiwasang mangamba ang pamilya na may masamang nangyari sa kanya habang nasa biyahe o bago pa man makarating sa kanilang destinasyon.

Sa ngayon, humihingi ng tulong ang pamilya Villaluz sa sinumang maaaring may impormasyon, nakakita, o nakasabay ni Danilo sa ferry o sa mga pantalan na kanyang dinaanan. Bukas din ang pamilya sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at rescue units upang mapalawak ang paghahanap.

Samantala, patuloy namang hinihingi ng FYP ang opisyal na pahayag at panig ng ferry operator kaugnay ng insidente, lalo na kung ano ang eksaktong nangyari sa biyahe at kung may CCTV o log records na makatutulong sa imbestigasyon. Nanawagan ang pamilya sa publiko na makipagtulungan at ibahagi ang anumang impormasyong makatutulong upang matagpuan si Danilo Villaluz at matuldukan ang matinding pag-aalala ng kanyang mga mahal sa buhay. (Larawan: Tiktok)