Diskurso PH
Translate the website into your language:

Manyak na guro himas-rehas ngayon matapos molestyahin ang estudyante, pakainin ng ipis ang isa pa

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-16 18:46:03 Manyak na guro himas-rehas ngayon matapos molestyahin ang estudyante, pakainin ng ipis ang isa pa

DISYEMBRE 16, 2025 — Naaresto ng mga awtoridad ang isang 53-anyos na guro sa Tondo, Maynila matapos ireklamo ng 12-anyos na estudyante na pinilit umano siyang kumain ng ipis nang mahuli ang suspek na minamanyak ang isa pang dalagita sa loob ng banyo ng paaralan.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Delpan Police Station 12, naganap ang insidente noong Oktubre 15. 

Ayon sa bata, nadatnan niya ang guro habang inaabuso ang isang dalagita sa loob ng palikuran. Nang makita ng suspek na nahuli siya, agad niyang hinabol ang estudyante, kinaladkad pabalik sa banyo, at doon pinilit na kumain ng ipis habang tinatakot na papatayin kung magsusumbong.

Sa kabila ng pangamba, nagsumbong ang bata sa kanyang mga magulang at sa pulisya. Dahil dito, nagsagawa ng surveillance at follow-up operation ang mga awtoridad laban sa guro.

Noong Disyembre 12, dakong alas-5:00 ng hapon, inaresto ang suspek sa loob mismo ng paaralan sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Maria Lorenza Barias-Siosana ng Manila Regional Trial Court Branch 38. Kinasuhan siya ng paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Kinumpirma ng MPD na kabilang ang guro sa listahan ng Top 3 Most Wanted Person sa antas ng istasyon. Mariin namang itinanggi ng suspek ang akusasyon. 

“The incident never happened,” giit niya. 

(Hindi nangyari ang insidente.)

Samantala, hindi pa naghahain ng reklamo ang dalagitang unang biktima ng pang-aabuso dahil sa matinding takot. Nagrekomenda naman ang hukuman ng P120,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.



(Larawan: Reddit)