Diskurso PH
Translate the website into your language:

Fiancé ginawang person of interest sa pagkawala ng bride-to-be

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-17 16:31:35 Fiancé ginawang person of interest sa pagkawala ng bride-to-be

December 17, 2025 — Itinuturing na ngayong person of interest ng Quezon City Police District (QCPD) ang fiancé ng nawawalang bride-to-be na si Sherra (Sarah) De Juan, na misteryosong nawala apat na araw bago ang nakatakdang kasal nila ni Mark Arjay Reyes noong Disyembre 14.

Ayon kay QCPD Director PCol. Randy Sylvio, kabilang si Reyes sa mga iniimbestigahan ng pulisya kaugnay ng pagkawala ni De Juan. “Tiniyak umano ni Reyes sa QCPD na handa siyang maimbestigahan,” pahayag ni Sylvio. Kasalukuyang isinasailalim sa forensic examination ang mga gadget ng nawawala upang makakuha ng posibleng lead sa kaso.

Batay sa ulat, si De Juan, 30-anyos, ay huling nakitang buhay noong Disyembre 10 sa Petron Atherton sa North Fairview bandang 1:37 p.m., nakasuot ng itim na pantalon, jacket, at shirt, habang may dalang tumbler at coin purse. Ayon kay Reyes, nagpaalam ang kanyang fiancé na bibili ng bridal shoes sa Fairview Center Mall (FCM) at iniwan ang cellphone upang i-charge sandali.

Sa halip na kasal, naiwan si Reyes na hawak lamang ang wedding gown na isusuot sana ng kanyang bride. Nag-post pa siya sa social media ng ₱20,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni De Juan.

Samantala, sinabi ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na naglunsad na ng metrowide search ang pulisya para kay De Juan. “I have tasked the Quezon City Police District to exhaust all measures to solve this case. All our units in Metro Manila and nearby areas were alerted and directed to assist,” ani Nartatez.

Sa ngayon, wala pang matibay na indikasyon ng foul play, ngunit patuloy na iniimbestigahan ang lahat ng anggulo. Nanatiling palaisipan ang pagkawala ng bride-to-be, na nagdulot ng matinding pagkabahala sa pamilya at komunidad.

Larawan mula kay Mark Arjay Reyes