Diskurso PH
Translate the website into your language:

PNP, AFP todo-deny: Bondi shooters hindi nagsanay sa Mindanao

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-18 08:36:35 PNP, AFP todo-deny: Bondi shooters hindi nagsanay sa Mindanao

December 17, 2025 — Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ulat na ang dalawang suspek sa Bondi Beach mass shooting sa Sydney, Australia ay nagsanay umano sa Mindanao bago ang pag-atake.

Sa isang press briefing sa Davao City, sinabi ni Lt. Col. Salvacion Evangelista, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, na walang rekord ang militar hinggil sa sinasabing pagsasanay ng mga suspek na sina Sajid Akram, 50, at anak niyang si Naveed Akram, 24, sa alinmang kampo sa Mindanao. 

“There is no report about the matter. While it remains part of our monitoring, we only see such things on television. We can assure you that the Eastern Mindanao Command area is free from these terrorists,” ani Evangelista.

Dagdag pa ni Maj. Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, wala ring kumpirmasyon na nakapasok ang mag-ama sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) o sa Central Mindanao. “As of now, we have no confirmation as to their travel inside our jurisdiction,” pahayag ni Cagara.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa Australia, sina Sajid at Naveed Akram ay responsable sa pamamaril noong Disyembre 14 sa isang Jewish festival sa Bondi Beach na ikinasawi ng 15 katao. Napatay si Sajid sa engkuwentro laban sa pulisya, habang sugatan naman ang kanyang anak.

Samantala, kinumpirma ng mga immigration records na dumating ang mag-ama sa Davao City noong Nobyembre 1 at umalis noong Nobyembre 28, 2025. Gayunpaman, iginiit ng AFP na mababa na ang antas ng banta ng terorismo sa ilang bahagi ng Mindanao. 

“Terrorism threat levels in several areas of Western and Central Mindanao have shifted from high to low,” ayon kay AFP spokesperson Francel Margaret Padilla.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad ng Pilipinas sa counterparts sa Australia upang matukoy ang eksaktong galaw ng mga suspek habang nasa bansa. Sa ngayon, nananatiling walang ebidensya na nagsanay ang mga ito sa Mindanao bago ang pag-atake.