‘Hindi lang sila basta kontraktor!’ Mga Discaya patuloy na pinagbabantaan ang mga empleyado, nangingikil ng pera sa mga kongresista — Mayor Vico
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-21 23:49:41
DISYEMBRE 21, 2025 — Muling ibinulgar ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang umano’y patuloy na pananakot at paniningil ng mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya, sa gitna ng kasong graft at malversation na kinasasangkutan nila kaugnay ng P96.5-milyong “ghost” flood control project sa Davao Occidental.
Si Sarah Discaya ay inaresto at inilipat sa Cebu matapos maglabas ng warrant ang Lapu-Lapu City Regional Trial Court Branch 27, habang si Curlee ay nananatiling nakakulong sa Senado dahil sa contempt citation. Ngunit ayon kay Sotto, hindi pa rin tumitigil ang mag-asawa sa mga iligal na gawain.
“Ilan na rin ang nag-kwento sa akin na tinatakot pa rin nila ang mga dati nilang empleyado para hindi tumestigo laban sa kanila. Blackmail,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa niya, “Gumagawa pa rin sila ng kasamaan. Dalawang congressman na ang nagkwento sakin na humihingi sila ng pera — cash kapalit ng hindi pagsama sa kanila listahan o doon sa ‘ledger.’”
Binanggit din ni Sotto na hindi dapat malinlang ang publiko sa propaganda ng Discayas na sila ay “small fish” lamang. Ayon sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), apat pa lang sa siyam na kompanya ng mag-asawa ay may higit P180 bilyon sa mga bank account.
“Kung susuriin natin nang mabuti, hindi lang sila basta kontraktor. Sila ay naging tagapag-pasimuno,” ani Sotto.
Ibinunyag pa ng alkalde ang paggamit ng mag-asawa sa kanilang mga anak bilang front ng mga kompanya. Si Matthew Carl, sa edad na 18, ay “bumili” ng St. Matthew Corporation sa halagang P245 milyon noong 2022, na nakakuha ng hindi bababa sa P17 bilyon na kontrata mula sa DPWH.
Isa pang anak, si Gerrard William Francisco, ay nag-rehistro ng Way Maker General Contractor sa edad na 18 na agad nakakuha ng P3 bilyon na proyekto noong 2023.
“Mistermind & Mrs. Discaya, hindi lang kayo nagnakaw … tinulungan at tinuruan ninyo ang mga anak ninyong magnakaw,” ani Sotto.
Dagdag pa ng alkalde, pabago-bago ang pahayag ng mag-asawa — mula sa pagyayabang ng yaman mula sa DPWH sa isang interview hanggang sa “pag-amin” sa Senado na “nalulugi” umano sila.
“They continue to lie. Their stories keep changing,” aniya.
(Patuloy silang nagsisinungaling. Paiba-iba ang kwento nila.)
Sa kabila ng pagkaka-aresto, iginiit ni Sotto na simula pa lamang ito ng mas malawak na pananagutan.
“Una, sana mas marami pa ang mahuli at mapanagot,” sabi niya, sabay panawagan sa publiko na manatiling mapagbantay at huwag magpaloko sa mga pagtatakip ng mag-asawa.
(Larawan: House of Representatives of the Philippines| Facebook)
