Tingnan: Manila City DRRMO, nag-inspeksyon sa mga bus terminal bilang paghahanda sa Christmas rush
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-21 22:45:40
MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong nalalapit na Kapaskuhan, nagsagawa ng inspeksyon at pag-iikot ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) sa ilang bus terminal sa Lungsod ng Maynila upang tiyakin ang kaayusan, kaligtasan, at maayos na daloy ng mga pasahero.
Kabilang sa mga binisita ng Manila City DRRMO ang Sta. Monica Liner na matatagpuan sa Tutuban Transport Terminal, na bumibiyahe patungong Angat at Norzagaray. Sa isinagawang monitoring, tinatayang nasa humigit-kumulang 110 pasahero ang kabuuang bilang ng mga mananakay sa nasabing ruta, habang nasa 10 katao naman ang tinatayang dami ng tao sa loob ng terminal sa oras ng inspeksyon.
Ayon sa pamunuan ng terminal, ang unang biyahe ng Sta. Monica Liner ay alas-5:50 ng umaga, habang ang huling biyahe ay umaalis bandang alas-9:00 ng gabi. Sinuri rin ng DRRMO ang mga emergency exits, fire safety measures, kaayusan ng pila ng pasahero, at ang kahandaan ng mga tauhan sakaling magkaroon ng aberya o sakuna.
Layunin ng aktibidad na matiyak na ligtas ang mga pasilidad at handa ang mga terminal sa pagharap sa mas malaking volume ng pasahero habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon. Bahagi rin ito ng mas malawak na hakbang ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang aksidente at kaguluhan sa mga pangunahing transport hubs ng lungsod. Patuloy namang pinaaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mga bus operator at pasahero na sumunod sa lahat ng itinakdang alituntunin sa kaligtasan, kabilang ang tamang pila, disiplina sa terminal, at pagsunod sa mga patakaran ng mga awtoridad, upang masiguro ang ligtas, maayos, at maaliwalas na paglalakbay ng lahat ngayong holiday season. (Larawan: Manila PIO / Facebook)
