DPWH, tinapos ang ‘temporary road repair’ sa bahagi ng Maharlika Highway sa Gumaca
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-23 23:25:16
GUMACA, Quezon — Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isinagawang temporary road repair sa bahagi ng Maharlika Highway, partikular sa intersection ng J.P. Rizal at A. Bonifacio Street, kahapon, Disyembre 22. Ang agarang pagkukumpuni ay naglalayong matugunan ang matagal nang reklamo ng mga motorista at residente hinggil sa sirang bahagi ng kalsada na nagdudulot ng abala sa daloy ng trapiko at panganib sa kaligtasan ng mga dumaraan.
Ayon sa DPWH, isinagawa ang pansamantalang pag-aayos bilang tugon sa kahilingan ng Pamahalaang Bayan ng Gumaca, sa pamumuno ni Mayor Webster D. Letargo, gayundin sa mga ulat at hinaing ng mamamayan na araw-araw na gumagamit ng nasabing highway. Ang Maharlika Highway ay isa sa mga pangunahing lansangan sa Timog Luzon na nagsisilbing mahalagang ruta ng mga pribadong sasakyan, pampublikong transportasyon, at mga trak na nagdadala ng produkto sa iba’t ibang lalawigan.
Sinabi ng DPWH na ang pansamantalang repair ay ginawa upang agad na maibsan ang epekto ng lubak at sirang semento habang hinihintay ang mas komprehensibong solusyon. Nilinaw din ng ahensya na ang temporary repair ay bahagi lamang ng agarang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista, lalo na ngayong panahon ng pagdagsa ng mga biyahero sa holiday season.
Dagdag pa ng DPWH, inaasahang sisimulan ang concrete road reblocking sa naturang bahagi ng Maharlika Highway sa Enero 2026. Sa sandaling maisakatuparan ito, inaasahang magiging mas matibay at pangmatagalan ang kondisyon ng kalsada, na makatutulong sa mas maayos na daloy ng trapiko at mas ligtas na biyahe para sa publiko. Samantala, hinimok ng lokal na pamahalaan ang mga motorista na magpatuloy sa pag-iingat at sumunod sa mga traffic advisory habang isinasagawa ang mga susunod pang proyekto sa kalsada. Patuloy rin ang koordinasyon ng LGU at DPWH upang masigurong agad na matutugunan ang iba pang isyu sa imprastruktura sa bayan ng Gumaca. (Larawan: We Love Gumaca / Facebook)
