LRT operator condemns man who allegedly faked disability to use priority lane
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2026-03-09 22:09:36
MANILA, Philippines — Kinondena ng Light Rail Manila Corporation ang kumalat na video ng isang indibidwal na umano’y nameke ng disability upang makabili ng ticket sa Priority Lane sa isang estasyon ng LRT Line 1 noong Marso 9, 2026.
Sa opisyal na pahayag ng kumpanya, sinabi nitong hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng kapansanan bilang paraan upang makalamang sa pila o makakuha ng espesyal na pribilehiyo sa mga pasilidad na nakalaan para sa mga priority passengers, kabilang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at buntis.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation, mahalagang panatilihin ang respeto sa mga serbisyong inilaan para sa mga pasaherong tunay na nangangailangan nito. Ipinaalala rin ng kumpanya sa publiko na iwasang gamitin ang kapansanan bilang bahagi ng online content o para sa pansariling kapakinabangan.
Nagpaalala rin ang pamunuan ng LRT na ang mga priority lane ay nilikha upang mapadali ang biyahe ng mga pasaherong may espesyal na pangangailangan. Ang maling paggamit nito ay hindi lamang paglabag sa alituntunin kundi maaari ring makasakit sa dignidad ng mga taong tunay na may kapansanan. Patuloy namang hinihikayat ng operator ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at magpakita ng malasakit at respeto sa kapwa pasahero.
(Larawan mula sa: 105.1 Brigada News FM / Facebook)
