Diskurso PH

FIBA: Brownlee, cleared na para sa Asia Cup


Ace Alfred Acero • Ipinost noong 2025-05-10 12:32:49
FIBA: Brownlee, cleared na para sa Asia Cup

May 10 - Inaasahang makakalaro si Justin Brownlee para sa Gilas Pilipinas sa darating na FIBA Asia Cup sa Agosto 5–17 sa Jeddah, Saudi Arabia, matapos kumpirmahin ng mga opisyal na maayos na ang kanyang kalagayan – sa eligibility at sa kalusugan.

Ayon kina Gilas team manager Alfrancis Chua at SBP executive director Erika Dy, wala nang suspension si Brownlee kaugnay sa "adverse analytical finding" sa kanyang drug test noong nakaraang qualifying window.

“Walang suspension kay Brownlee. Justin is cleared. He’s going to play. Very cleared,” ayon kay Chua sa SBP National Congress kahapon.

Giit ni Dy, “There’s no suspension at this point in time and we don’t expect any.” Nilinaw din niya na hindi puwedeng ilahad ang mga sensitibong detalye dahil personal at delikado ang usapin ng doping, at hawak ito ng kampo ni Brownlee.

Target ng Gilas na muling magsama-sama sa Hulyo 27, matapos ang PBA Philippine Cup, para sa kanilang paghahanda. May sapat na panahon si Brownlee na magpagaling sa kanyang dislocated right thumb na ininda niya pa noong Commissioner’s Cup Finals.

“Okay naman siya after the operation… Ang maganda doon, daliri lang ‘yun so pwede siyang tumakbo at magpa-kundisyon,” ani Chua.

Balak ng Gilas na magkaroon ng isang exhibition game sa Pilipinas bago bumiyahe sa Jeddah sa Agosto 1 o 2. Sa Jeddah, posibleng magkaroon sila ng tune-up game laban sa isa sa mga koponang maagang darating sa Continental meet.