NBA Finals: Gilgeous-Alexander, Thunder gustong bumawi sa Game 7 matapos ang kahiya-hiyang talo sa Pacers

June 20 - "Basura ang laro namin ngayong gabi."
Iyan ang tapat na sinabi ni NBA MVP Shai Gilgeous-Alexander matapos ang nakakagulat na 108-91 pagkatalo ng Oklahoma City Thunder kontra Indiana Pacers sa Game 6 ng NBA Finals nitong Sabado (Linggo sa Maynila).
Sa kabila ng tsansang tapusin ang serye at iuwi ang unang titulo ng prangkisa simula noong lumipat sila sa Oklahoma City noong 2008, bumigay ang Thunder sa harap ng matinding opensa at depensa ng Pacers.
Nagbuhos si Gilgeous-Alexander ng 21 puntos pero may walong turnovers din — higit pa sa kanyang pitong field goals — sa isang gabi kung saan bumagsak ang kabuuang composure ng Thunder.
“Maraming turnovers ay dahil sa kawalan ng focus at pagiging kampante. Mas ginusto ng Pacers ang panalo ngayong gabi,” ani Gilgeous-Alexander.
Nagkaroon ng kabuuang 21 turnovers ang OKC, isang bagay na hindi karaniwan para sa isang team na halos perpekto ang pinakitang disiplina sa buong postseason.
“Hindi lang ito tungkol kay Shai. Collective ito. Lahat kami, hindi naging handa,” sabi ni Thunder head coach Mark Daigneault. “Binugbog kami ng Pacers sa halos lahat ng aspeto ng laro.”
Aminado si Gilgeous-Alexander na naiisip nila ang bigat ng pagkakataong makuha ang korona, pero hindi nila ito naipakita sa kanilang laro.
“Wala kaming ibang masisisi kundi sarili namin. Pero hindi na kailangang mag-imbento ng bago. Kailangan lang naming maging totoo sa kung sino kami,” aniya.
“Isang laro para sa lahat ng pinangarap mo. Manalo ka, makukuha mo lahat. Matalo ka, wala kang uuwian. Ganun kasimple.”
Gaganapin ang Game 7 ng NBA Finals sa Oklahoma City ngayong Lunes ng gabi (Martes ng umaga sa Maynila).