Alex Eala, unang Pinoy na nagwagi ng WTA title
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-07 09:12:17
Setyembre 7, 2025 – Nakagawa ng kasaysayan si Alexandra “Alex” Eala matapos maging kauna-unahang Pilipino na nagkampeon sa Women’s Tennis Association (WTA). Nasungkit ni Eala ang titulo sa 2025 Guadalajara 125 Open nang talunin ang beteranang si Panna Udvardy ng Hungary, 1–6, 7–5, 6–3, sa isang laban na umabot ng halos dalawang oras.
Sa unang set, tila mabigat ang naging simula ng 19-anyos na tennis star matapos agad makuha ni Udvardy ang bentahe. Gayunman, ipinakita ni Eala ang kanyang determinasyon at agresibong laro sa ikalawang set, bago tuluyang makuha ang kontrol sa huling set na nagbigay sa kanya ng pinakaprestihiyosong tagumpay sa kanyang career.
Ang panalo ay hindi lamang personal na tagumpay para kay Eala kundi makasaysayan din para sa Pilipinas, dahil ito ang unang pagkakataon na may manlalarong Pinoy na nakapag-uwi ng tropeo mula sa isang WTA tournament.
Hindi ito ang unang malaking milestone para kay Eala ngayong taon. Sa 2025 Miami Open, tinalo niya si world No. 25 Jelena Ostapenko, dahilan upang maging unang Filipina na nakapagpabagsak ng top-30 player. Ilang araw lamang ang lumipas, muli siyang gumawa ng kasaysayan nang talunin si world No. 5 Madison Keys, na nagbigay sa kanya ng titulo bilang unang Pilipino na nakatalo ng isang top-10 player sa Open Era.
Noong Hunyo, muling nag-ukit ng pangalan ang dalaga matapos maging unang Filipina na nakarating sa final ng isang WTA Tour event, ang Eastbourne Open.
Sa 2025 US Open, nagpasiklab din si Eala nang talunin ang ika-14 na si Clara Tauson sa dramatikong laban na tumagal ng tatlong set. Mula sa pagiging 1–5 sa huling set, bumangon si Eala at nagtala ng makasaysayang panalo bilang unang Pilipino na nakapagwagi ng main-draw match sa Grand Slam. Ang tagumpay na iyon ay kinilala ng international media bilang isa sa pinakamalaking upset sa torneo.
Dahil sa kanyang sunod-sunod na tagumpay, lalo pang tumaas ang ranggo ni Eala sa pandaigdigang tennis at unti-unti siyang itinuturing na isa sa mga rising stars ng women’s tennis. Higit sa lahat, itinuturing ang kanyang panalo bilang simbolo ng pag-asa at inspirasyon para sa mga batang atleta sa Pilipinas na nangangarap makapasok sa internasyonal na entablado.
Samantala, nagpaabot ng pagbati ang ilang lokal at internasyonal na tennis federations sa kanyang tagumpay. Inaasahan ding magsisilbi itong hakbang para mas makilala pa ang Pilipinas sa larangan ng pandaigdigang tennis.
Sa kabila ng murang edad, pinatunayan ni Eala na may kakayahan siyang makipagsabayan sa mga pinakamahuhusay na manlalaro sa buong mundo. Patuloy na umaasa ang mga fans at sports analysts na hindi lamang ito simula ng mas marami pang kampeonato, kundi hudyat din ng bagong yugto para sa Philippine tennis.
Larawan mula sa One Sports