Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: 6 PBA aspirants mula sa probinsya ng Quezon, pasok sa PBA draft

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-08 19:56:33 Tingnan: 6 PBA aspirants mula sa probinsya ng Quezon, pasok sa PBA draft

QUEZON PROVINCE — Isang makasaysayang sandali para sa Quezon Huskers ang naganap matapos masama ang lahat ng kanilang PBA aspirants sa 2025 Philippine Basketball Association (PBA) Draft, patunay ng mataas na kalidad ng kanilang training program at disiplina sa loob at labas ng court.

Nanguna sa batch ng mga napiling Huskers si LJay Gonzales, na kinuha bilang 5th overall pick. Kilala sa kanyang husay sa playmaking at bilis sa depensa, inaasahan siyang magiging malaking ambag sa kanyang bagong koponan. Sumunod naman si Will Gozum na napili bilang 8th overall pick, na may reputasyon bilang isang matibay na inside presence at scorer sa shaded lane.

Hindi rin nagpahuli si Ximone Sandagon, na nasungkit bilang 15th overall pick, bunga ng kanyang tuloy-tuloy na pag-unlad at konsistensiya sa mga nakaraang season. Samantala, si Vince Magbuhos ay napili naman sa 19th overall pick, kilala sa kanyang matibay na depensa at kakayahang makapaghatid ng clutch plays sa mahihirap na laban.

Sa huling bahagi ng draft, dalawang Huskers pa ang nadagdag sa listahan: si Judel Fuentes bilang 40th overall pick, at si Joshua Yerro bilang 41st overall pick. Bagama’t nakuha sa mas mababang round, inaasahan pa rin na magiging valuable role players ang dalawa sa kanilang mga bagong koponan.

Para sa pamunuan ng Huskers, ito ay isang malinaw na ebidensya na ang kanilang programang pampalakasan ay epektibo at tumutulong sa mga manlalaro na maabot ang pinakamataas na antas ng propesyonal na basketball sa bansa.

Sa pagkakasama ng anim na manlalaro sa prestihiyosong PBA Draft, muling naipakita ng Quezon Huskers na ang kanilang organisasyon ay tunay na pugad ng mga talentadong atleta na handang makipagsabayan sa pinakamagagaling sa Philippine basketball. (Larawan: Quezon Huskers / Fb)