Pinakamalaking solar farm sa Pilipinas, tutustos ng kuryente sa 2.4M pamilya sa 2027
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-09 16:18:48
HULYO 9, 2025 — Nagsisimula nang matupad ang pangarap ng Pilipinas para sa renewable energy sa pagtatayo ng pinakamalaking integrated solar facility sa mundo. Pinangunahan ng Meralco PowerGen Corp. (MGen), nakapag-install na ang P200-bilyong MTerra Solar project ng 778 megawatts (MW) ng solar panels — lampas pa sa unang target na 750 MW para sa Phase 1.
Sakop ang Nueva Ecija at Bulacan, magkakaroon ito ng 3,500-MW solar farm at 4,500-MW-hour na battery storage system para matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente kahit sa peak hours. Kapag tuluyang gumana sa 2027, inaasahang mabibigyan nito ng kuryente ang 2.4 milyong bahay at mababawasan ang carbon emissions ng 4.3 milyong tonelada bawat taon — parang tinanggal ang 3 milyong gas-powered cars sa kalsada.
“MTerra Solar stands as a clear example of how we can shape the country’s energy future through strong partnerships and a shared vision,” sabi ni Dennis Jordan, presidente ng MTerra Solar and MGen Renewable Energy.
(Nagiging halimbawa ang MTerra Solar kung paano natin mababago ang energy future ng bansa sa pamamagitan ng matibay na partnerships at shared vision.)
Pinuri ni Jordan ang mabilis na progreso — 54% na ang completion nitong June — dahil sa suporta ng gobyerno at komunidad.
Suportado ng record-breaking na P150-bilyong loan at $600-milyong investment mula sa Actis ng UK, target na matapos ang Phase 1 sa unang bahagi ng 2026 at ang Phase 2 sa 2027. Inaasahan ng MGen na makamit nito ang renewable energy targets nang tatlong taon ahead ng schedule, at umabot sa 1,500 MW ang kapasidad.
Lalong tumitibay ang hakbang ng Pilipinas patungo sa sustainable energy, kasabay ng pagkontrol ng Meralco, parent company ng MGen, sa SP New Energy Corp. para mas mapabilis ang proyekto. Habang tuluy-tuloy ang konstruksyon, binabago na nito ang future ng power grid ng bansa.
(Larawan: Meralco PowerGen)
