Bohol solar farm, magsisimula nang mag-supply ng kuryente sa Visayas
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-15 13:13:08
HULYO 15, 2025 — Nakakuha na ng regulatory clearance ang Dagohoy Green Energy Corp. (DGEC) ng Yuchengco group para simulan ang commercial operations ng 27.12-megawatt solar farm sa Bohol. Malaking hakbang ito para palakasin ang renewable energy supply sa Visayas.
May approvals mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) at Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), magsisimula nang mag-supply ng kuryente sa grid ang P1.17-billion facility sa July 16. Inaasahang makakapag-produce ito ng 41,000 megawatt-hours kada taon — sapat para sa higit 18,000 households — habang binabawasan ang dependency ng Bohol sa imported power.
Subsidiary ng Rizal Green Energy Corp. ang DGEC, isang joint venture ng PetroGreen Energy Corp. (PGEC) at Japan’s Taisei Corp. Mayroon din itong solar plants sa Nueva Ecija, Pangasinan, at Isabela, kasama ang dalawa pang planta na target matapos sa susunod na taon.
“We are proud that our Dagohoy solar power facility is set to begin commercial operations in Bohol, adding much needed indigenous and clean energy in the province which has long relied on imported power from neighboring provinces and a few small capacity diesel and hydro power plants operating in the province,” sabi ni PGEC Assistant Vice-President Dave P. Gadiano.
(Ipinagmamalaki namin na handa nang mag-operate ang Dagohoy solar power facility sa Bohol, na magdadagdag ng kinakailangang lokal at malinis na enerhiya sa lalawigan na matagal nang umaasa sa imported power mula sa kalapit na probinsya at sa iilang maliliit na diesel at hydro power plants sa lugar.)
Lalahok ang solar farm sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa ilalim ng supply deal kasama ang SN Aboitiz Power Group para suportahan ang grid stability sa rehiyon.
(Larawan: Facebook)
