P50K limit sa InstaPay, posibleng itaas na
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-16 09:23:36
HULYO 16, 2025 — Pinag-aaralan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang posibleng pagtaas sa kasalukuyang P50,000 limit ng InstaPay, bilang tugon sa tumataas na pangangailangan ng mga gumagamit para sa mas malalaking real-time na transfer.
Kinumpirma ni BSP assistant governor Redentor “Dennis” Bancod ang pagsusuri, at binanggit na ang umiiral na limitasyon ay unang itinakda para sumunod sa mga patakaran ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Ang mga transaksyong lampas dito ay nangangailangan ng mas mahabang proseso.
"Now with this clamor, the BSP is studying the implications of increasing that amount to a certain level," sabi ni Bancod sa Chamber of Thrift Banks Convention.
(Dahil sa hiling ng marami, pinag-aaralan ng BSP ang epekto ng pagtaas sa halagang ito.)
Itinuro niya ang mga bansang katulad ng Singapore, Malaysia, at Thailand, na itinaas na ang kanilang limitasyon sa instant payments.
Inilunsad noong 2018, ang InstaPay ay nagbibigay-daan sa real-time na transfer hanggang P50,000 para sa mga indibidwal, negosyo, at ahensya ng gobyerno. Dagdag pa ni Bancod, hiwalay ding pinag-aaralan ng BSP ang isang business-to-business (B2B) na bersyon ng InstaPay para sa mga SME at malalaking transaksyon.
"The automated clearing house of InstaPay under PPMI (Philippine Payments Management Inc.) is actually already working towards launching a B2B use case, and in that case, it will allow a bigger limit as long as the originator is a business corporation," paliwanag niya.
(Ang automated clearing house ng InstaPay sa ilalim ng PPMI ay kasalukuyang naghahanda para sa B2B, at kapag naipatupad ito, mas mataas ang limitasyon basta negosyo ang mag-iinitiate.)
Kung maaprubahan, magiging mas madali ang malalaking digital transactions — isang malaking hakbang para sa mas modernong ekonomiya.
(Larawan: Yahoo Finance)
