Diskurso PH
Translate the website into your language:

Forever young na nga ba? Reversed aging matagumpay na naisagawa ng mga Siyentipiko sa China

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-04 08:39:28 Forever young na nga ba? Reversed aging matagumpay na naisagawa ng mga Siyentipiko sa China

China — Isang makasaysayang tagumpay laban sa pagtanda ang inilathala sa Cell noong Hunyo 13, 2025. Ayon sa mga mananaliksik mula sa Chinese Academy of Sciences at Capital Medical University, matagumpay nilang napabalik ang kabataan ng matatandang unggoy gamit ang isang bagong klase ng stem cell therapy — nang walang masamang epekto tulad ng tumor o immune rejection.

Ang sikreto? Isang bago at “na-reprogram” na uri ng human stem cells na tinawag na senescence-resistant mesenchymal progenitor cells (SRCs). Kung ihahambing, para silang mga construction worker ng katawan na hindi tumatanda, hindi madaling mapagod, at hindi nagiging cancerous — kumpara sa mga karaniwang stem cells na unti-unting nababawasan habang tayo’y tumatanda.

Paano isinagawa ang pag-aaral?

  • Hayop na ginamit: matatandang macaque monkeys (katumbas ng 60–70 anyos na tao)

  • Tagal ng eksperimento: 44 linggo

  • Paano ibinigay: intravenous injection tuwing dalawang linggo

  • Dosis: 2×10⁶ SRCs kada kilo ng timbang

Sa buong pag-aaral, walang naitalang lagnat, immune reaction, pagbaba ng timbang, tissue damage, o tumor formation — patunay na ligtas ang therapy kahit sa pangmatagalang paggamit.

Ano ang naging epekto?

Tulad ng pag-ayos sa isang buong lungsod, hindi lang isang bahagi ng katawan ang gumaling — sampung pangunahing sistema ng katawan at 61 uri ng tissues ang bumata muli. Ilan sa mga napansing pagbabago:

  • Kognitibong pagbuti: mas alerto at matalas ang isip

  • Pagbawas sa brain atrophy, osteoporosis, fibrosis, at fat buildup

  • Pagdami ng neurons at reproductive cells

  • Pagbalik ng sperm production

  • 6–7 taon kabataang biological age ng neurons; 5 taon sa egg cells

Bakit napakabisa?

Napag-alaman ng mga siyentipiko na ang SRCs ay naglalabas ng exosomes — maliliit na “mensahe” sa anyo ng pakete na nagdadala ng molecules na:

  • Nagpapatahimik ng chronic inflammation

  • Nagpapalakas ng genomic at epigenomic stability

  • Naglilinis ng “mga basura” ng selula at nagbabalik ng balanseng pagtatrabaho (proteostasis)

Sa mga karagdagang test sa daga at human cells sa laboratoryo, ang exosomes ay nagpabatang muli sa neurons, ovarian cells, blood vessels, at liver cells.

Bakit ito mahalaga?

Ang SRC therapy ang kauna-unahang stem cell anti-aging treatment na napatunayang ligtas at epektibo sa primates — ang pinakamalapit nating biological na kamag-anak. Binabasag nito ang daang-taong hadlang ng cancer risk sa stem-cell therapy at nagbubukas ng pintuan para sa human clinical trials.

Bukod dito, ipinapakita nitong hindi sapat ang “single-target na gamot”—dapat sistemang approach ang laban sa pagtanda, sabay-sabay na pinapabuti ang utak, buto, immune system, at reproductive health.


Ang tanong na lang: handa na ba tayong tao sa panahon kung saan ang edad ay hindi na hatol — kundi isa na lamang numerong maaaring baguhin ng siyensiya?


(Source: eurekalert.org / cell.com)

(Larawan: Google, edited in Canva)