Diskurso PH
Translate the website into your language:

Good News: Plastik na natutunaw sa tubig naimbento ng Japan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-04 08:39:23 Good News: Plastik na natutunaw sa tubig naimbento ng Japan

Tokyo, Japan — Isang makabago at kapana-panabik na imbensiyon sa mundo ng agham ang inanunsiyo ng mga siyentista mula RIKEN Centre for Emergent Matter Science at University of Tokyo: isang uri ng plastik na hindi lamang nabubulok, kundi nawawala sa tubig-alat sa loob lamang ng ilang oras, at nagiging pampataba ng lupa sa loob ng sampung araw. May potensyal itong baguhin nang tuluyan ang pakikitungo ng mundo sa basurang plastik — mula sa pagiging perwisyong pangkalikasan tungo sa pagiging kakampi ng kalikasan.

Ang breakthrough na ito, na inilathala sa prestihiyosong journal Science noong huling bahagi ng 2024, ay gawa mula sa sodium hexametaphosphate at guanidinium ion-based monomers — mga sangkap na ligtas sa pagkain at kayang bumuo ng matibay ngunit nabubulok na plastik. Kayang i-customize ang materyal na ito upang maging matigas na tila bakal, flexible na parang goma, o kasing-kinis ng protective coatings. Hindi ito nakakalason, hindi nasusunog, at maaaring muling i-hubog kapag pinainit nang higit 120°C — tulad ng ordinaryong plastik.

Sa kasalukuyan, tinatayang isang trak ng basura ng plastik ang napupunta sa karagatan kada minuto. Kung magpapatuloy ito, sa taong 2050 ay maaaring mas marami pang plastik kaysa isda sa dagat. Habang nilalatag ng mga bansa ang Global Plastics Treaty, nagbibigay ang Japan ng konkretong solusyon na maaaring gawing pamantayan sa buong mundo.

Posibleng Aplikasyon:

  • Packaging – kapalit sa single-use plastics sa pagkain at consumer goods

  • Agrikultura – mulch film na natutunaw at nagsisilbing abono sa lupa

  • Medikal – disposable tools at implants na ligtas at hindi kailangang tanggalin

  • 3D printing – environment-friendly na custom manufacturing

Hamon sa Hinaharap

Bagaman napakalaki ng potensyal, nakikita ng mga eksperto na kailangang harapin ang mga sumusunod:

  • Paanong mapo-produce ito nang mura sa malakihang scale?

  • Makapapasa ba ito sa mga regulasyon para sa pagkain at medikal na gamit?

  • Talagang zero ba ang carbon emission nito sa kabuuang life-cycle?

Gayunpaman, optimismong puno ang siyentipikong komunidad. Ayon kay Takuzo Aida, lead researcher ng proyekto, “Ito ay bagong pamilya ng plastik — matibay, functional, recyclable at pinakamahalaga, hindi nag-iiwan ng microplastics.”

Isang Hakbang Patungo sa “Zero Waste” na Mundo

Sa gitna ng lumalalang krisis sa plastik, tila nagsisimula nang sumikat ang pag-asa. Ang bagong plastik ng Japan ay hindi lang basta walang pinsala — maaari pa itong maging gamot ng kalikasan. Kung magiging matagumpay ang komersiyalisasyon nito, maaaring ito na ang simula ng pagtatapos ng nakasanayang “gamit-tapon-kalimutan” na sistema ng plastik.


(Source: https://www.texspacetoday.com/japans-breakthrough-plastic-dissolves-in-hours-boosts-oceans-soil-health/)

(Video: https://www.weforum.org/videos/japan-biodegradable-plastic/)

(Larawan: Google, edited in Canva)