Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga iPhone users, nagalit sa bagong iOS 26 update

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-18 01:44:49 Mga iPhone users, nagalit sa bagong iOS 26 update

SETYEMBRE 18 Nagngingitngit ang maraming iPhone users matapos ilabas ng Apple ang pinakabagong iOS 26 update, na ayon sa kanila ay nagpapabilis umano ng pagka-drain ng kanilang mga baterya.

Sa social media, samu’t saring reklamo ang lumabas mula sa mga iPhone owners na agad nakapansin ng problema matapos i-install ang update.
“Just fully charged my phone 58 minutes ago and it’s already down to 79%,” hinaing ng isang user sa X. Isa pa ang nagpost: “My phone’s been burning up since the update to iOS 26 and voila my battery health just fell down to 80%.”

Ayon naman sa Apple, normal lamang ang ganitong sitwasyon sa mga major updates. Paliwanag nila, may mga proseso pa kasing natatapos sa background gaya ng indexing ng data, pag-update ng apps, at pag-download ng bagong assets. Sinabi rin ng kompanya na posibleng maapektuhan pansamantala ang battery at performance depende sa paggamit ng bawat indibidwal.

Subalit hindi lang battery issue ang kinaiinisan ng mga user. Marami ring kumuwestiyon sa bagong “evil red clock” feature na lumalabas kapag nakatagilid ang phone sa madilim na paligid. Ayon sa mga reklamo, nakakatakot at nakakagulat ito lalo na bago matulog.

Bukod dito, negatibo rin ang pagtanggap ng users sa Liquid Glass design ng interface, kung saan nagiging translucent ang icons at menus. Para sa iba, ito raw ay “ugliest thing Apple has ever done” at nakakasakit pa sa mata dahil sa malabong background effects.

Sa kabila ng depensa ng Apple, nananatiling hati ang opinyon ng publiko. Para sa mga fans, malaking kabiguan ang update na ito kumpara sa inaasahang pag-unlad sa disenyo at performance ng kanilang iPhones. (Larawan: Google)