Diskurso PH
Translate the website into your language:

PSA naglulunsad ng online service para sa digital copies ng Civil Registry Certificates

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-18 11:22:35 PSA naglulunsad ng online service para sa digital copies ng Civil Registry Certificates

Setyembre 18, 2025 – Maaari nang makakuha ng digital copies ng birth, marriage, at death certificates, pati na rin ng Certificate of No Marriage Record (CENOMAR) at Certificate of No Death (CENODEATH) sa pamamagitan ng bagong online platform ng Philippine Statistics Authority (PSA).


Ayon sa inihayag ng PSA, opisyal na ilulunsad ang psaserbilis.com.ph sa Setyembre 19, 2025. Layunin ng bagong website na gawing mas mabilis, moderno, at accessible ang pagkuha ng mga civil registry certificates, at mabawasan ang mahabang pila sa mga PSA outlets.


Sa pamamagitan ng Viewable Online service, makakakuha ang kliyente ng Web Access Information Slip na naglalaman ng link at access code para ma-view ang dokumento online sa loob ng 60 araw. Samantala, para sa mga nangangailangan ng printed copy, puwedeng gamitin ang DocPrint service, kung saan ipi-print ang dokumento sa mga PSA Civil Registry Service (CRS) outlets.


Ayon sa guidelines ng PSA, nananatiling kailangang magbayad sa PSA outlet ang mga kliyente: ₱130 para sa birth, marriage, at death certificates, at ₱185 para sa CENOMAR at CENODEATH.


Binigyang-diin ng ahensiya na ang Viewable Online at DocPrint services ay bahagi ng Civil Registry System–Information Technology Project Phase II, na naglalayong pahusayin ang serbisyo sa publiko at gawing mas user-friendly ang sistema ng pagkuha ng civil registry documents.


Mananatiling accessible ang kasalukuyang Serbilis website habang unti-unting inililipat ang mga serbisyo sa bagong platform. Ayon sa PSA, mas madali, mas mabilis, at mas convenient na ngayon ang pagkuha ng mga dokumento, nang hindi na kailangan ng appointment o mahabang pila sa PSA outlets.