Global YouTube blackout! 366,000 users nagreklamo sa biglaang aberya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-16 12:37:04
MANILA — Naranasan ng YouTube ang malawakang outage nitong Oktubre 15, 2025, kung saan mahigit 128,000 users ang nag-ulat ng problema sa platform, ayon sa Downdetector.com.
Ang insidente ay nagsimula bandang 4:28 p.m. Pacific Time, at umabot pa sa higit 366,000 reports sa Estados Unidos sa loob ng isang oras.
Ayon sa ulat ng Cybersecurity News, naapektuhan ang pangunahing serbisyo ng YouTube, pati na rin ang YouTube Music at YouTube TV. Maraming user ang nakaranas ng playback errors, blank screens, at hindi makapag-stream ng videos sa iba’t ibang bahagi ng mundo kabilang ang U.S., Europe, at Asia.
Kinumpirma ng Google ang aberya sa pamamagitan ng isang post sa X (dating Twitter), kung saan sinabi ng TeamYouTube: “If you’re not able to play videos on YouTube right now – we’re on it! Thanks for your patience.” Nagpahayag din sila na iniimbestigahan na ng kanilang engineering team ang sanhi ng problema.
Sa kabila ng aberya, agad namang nagsagawa ng troubleshooting ang YouTube engineers at iniulat ng Economic Times na naresolba na ang isyu kinabukasan, Oktubre 16.