DICT nagbabala sa posibleng cyber attack sa Nob. 5
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-03 08:29:58
Nobyembre 3, 2025 - Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko hinggil sa posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) attack na maaaring mangyari sa Nobyembre 5, 2025.
Ayon sa ahensya, ang naturang uri ng cyberattack ay maaaring magdulot ng pagkaantala o pansamantalang pagka-disable ng ilang mga website at online services sa bansa.
Sa isang Facebook post ng DICT, ipinaliwanag nito na ang DDoS ay isang “traffic flood” kung saan sabay-sabay na binobomba ng internet traffic ang isang target server, network, o system upang ito’y bumagal o tuluyang hindi ma-access. “Dahil dito, puwedeng bumagal o hindi agad mag-load ang ilang websites o apps. Pero kalma lang dahil hindi ito data breach. Walang mananakaw na personal accounts, data or pera,” ayon sa DICT.
Kinumpirma ni DICT Secretary Henry Rhoel Aguda na ang babala ay bahagi ng isang global alert at hindi lamang sa Pilipinas. “There is a world-wide alert, not just in the country. We are ready,” ani Aguda sa panayam ng Philippine Star.
Bilang tugon, pinaigting ng DICT ang koordinasyon sa mga lokal at internasyonal na cybersecurity partners sa ilalim ng Oplan Cyberdome, isang pambansang programa para sa proteksyon ng digital infrastructure ng bansa. Kasama rito ang mga ahensyang pangseguridad at mga internet service providers upang maagapan ang epekto ng posibleng pag-atake.
Nagbigay rin ng paalala ang DICT sa mga netizen kung sakaling makaranas ng pagkaantala sa paggamit ng mga website o apps sa Nobyembre 5:
- Subukang muli ang website o app makalipas ang ilang minuto
- Gamitin ang official app o status page ng serbisyo
- Sundan ang mga verified updates mula sa DICT at mga opisyal na ahensya
- Iwasan ang pakikilahok sa anumang ilegal na online activity
Hinimok ng DICT ang publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga online platforms sa pamamagitan ng Cybersecurity Help Desk ng ahensya.
