Google Pay darating sa Pilipinas sa Nobyembre 18
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-13 08:53:47
Maynila — Inaasahang ilulunsad na sa Pilipinas ang Google Pay simula Nobyembre 18, 2025, bilang bahagi ng phased rollout ng serbisyo sa mga bansa sa Southeast Asia, ayon sa anunsyo ng Google sa Singapore Fintech Festival.
Ang Google Pay ay isang digital payment platform na nagbibigay-daan sa mga user na makapagbayad gamit ang kanilang Android device sa pamamagitan ng contactless transactions. Sa halip na mag-imbak ng pera tulad ng e-wallets, direktang ikinokonekta ang app sa mga Mastercard debit at credit cards mula sa mga lokal na bangko.
“We are excited to bring Google Pay to more ASEAN markets, starting with the Philippines,” ayon sa pahayag ng Google Asia-Pacific team.
Sa kasalukuyan, available na ang Google Pay sa Singapore, Malaysia, Thailand, at Vietnam. Sa pagpasok ng serbisyo sa Pilipinas, inaasahang mas mapapadali ang pagbabayad sa mga tindahan, transportasyon, at online merchants.
Bukod sa seguridad gamit ang tokenization at biometric authentication, layon ng Google Pay na palawakin ang digital payments ecosystem sa rehiyon sa pakikipagtulungan sa mga institusyong pinansyal.
Bagama’t Mastercard pa lamang ang sinusuportahan sa unang yugto ng rollout, inaasahang susunod ang Visa at iba pang features gaya ng in-app purchases sa mga susunod na buwan.
