Paracetamol hindi sanhi ng autism, ayon sa bagong global review
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-13 08:53:44
Paris — Isang komprehensibong pagsusuri ng mga umiiral na pag-aaral ang nagpatunay na walang malinaw na ugnayan sa pagitan ng paggamit ng paracetamol ng mga buntis at pagkakaroon ng autism sa kanilang mga anak, taliwas sa mga naunang haka-haka at kontrobersyal na pahayag.
Ang tinaguriang “umbrella review” ay inilathala sa British Medical Journal (BMJ) noong Nobyembre 10, 2025, at isinagawa ng mga eksperto mula sa United Kingdom, Australia, at Spain. Sinuri nila ang dose-dosenang systematic reviews at meta-analyses upang matukoy kung may kaugnayan ang prenatal exposure sa paracetamol—kilala rin bilang acetaminophen—sa autism spectrum disorder (ASD) at attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD).
“We wanted to do a review of all the reviews in the space to make sense of what the evidence is so far,” ayon kay Prof. Shakila Thangaratinam, isang eksperto sa women’s health na kabilang sa mga may-akda ng pag-aaral.
Ang pagsusuri ay isinagawa bilang tugon sa mga pahayag ni US President Donald Trump noong Setyembre, kung saan iniuugnay niya ang paracetamol sa pagtaas ng kaso ng autism. Sinabihan pa niya ang mga buntis na “tough it out” at iwasan ang gamot, bagay na ikinabahala ng mga eksperto sa kalusugan.
Ayon sa World Health Organization (WHO), “there is no robust evidence showing that paracetamol causes autism,” at nananatili itong isa sa mga pinakaligtas na pain reliever para sa mga buntis.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga batang may autism sa mga nakaraang taon, iginiit ng mga mananaliksik na hindi sapat ang ebidensya upang ituring ang paracetamol bilang sanhi. Sa katunayan, tinatayang kalahati ng mga buntis sa UK at 65% sa US ang gumagamit ng paracetamol bilang pangunahing lunas sa pananakit.
Bilang tugon sa mga maling impormasyon, nanawagan ang mga eksperto na huwag basta-basta matakot sa paggamit ng gamot na ito, lalo na kung ito ay inirerekomenda ng doktor. Ang maling paniniwala ay maaaring magdulot ng mas malaking panganib sa kalusugan ng ina at ng sanggol.
