Tingnan: Cavite’s young innovators, bumida sa naganap na ‘World Robotic Games 2025’ sa Taiwan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-16 23:32:49
TAIWAN — Pinatunayan ng mga kabataang Pilipino mula sa Cavite na kayang makipagsabayan ng bansa sa larangan ng teknolohiya matapos magningning ang Salty Bots Club, isang student robotics team na nakabase sa Cavite, sa World Robotic Games 2025 na ginanap sa Taiwan.
Mahigit 500 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang sumali sa prestihiyosong international robotics competition, subalit namukod-tangi ang Cavite-based team sa kanilang husay, talino, at determinasyon. Sa gitna ng matitinding hamon ng kompetisyon, ipinamalas ng mga kabataang ito ang kanilang kahusayan sa innovation, programming, at engineering design—patunay ng lumalakas na presensya ng Pilipinas sa global tech arena.
Umani ng samu’t saring parangal ang Salty Bots Club, na nagsilbing patunay sa kanilang matiyagang paghahanda at walang sawang pagsasanay. Kabilang sa mga nagkamit ng Gold Award sina Kelvin Caisser D. Javier, John Macklein D. Valdez, at Andrei Jiggerson Samaniego sa kategoryang iBeam SR. Samantala, nasungkit naman ang Silver Award nina Bryzen Villanueva, Kylle Mathew M. Gaudiel, at Claude Ron R. Abriol, habang nagwagi rin ng Bronze Award sina Kelvin Caisser D. Javier (PLT SR) at Kiesha Veras (iBeam JR).
Dagdag pa rito, nakamit ang Copper Award nina Solenn Quejado, Kylle Mathew M. Gaudiel, at Fiona Nathalie J. Rosga, habang ginawaran ng Merit Award si Sean Adrianne Santos.
Pinuri ng mga organizers, coaches, at maging ng mga dayuhang kalahok ang ipinakitang tapang at galing ng Filipino students. Ayon sa mga tagapagsanay, ang tagumpay na ito ay bunga ng disiplina, teamwork, at matibay na paniniwala ng mga kabataan sa kanilang kakayahan. Ang tagumpay ng Salty Bots Club ay hindi lamang karangalan para sa Cavite kundi para sa buong bansa—isang malinaw na patunay na ang kabataang Pilipino ay handang manguna sa mundo ng agham at teknolohiya. (Larawan: PIA)
