Walang net, may balik-pera! Kamara aprubado ang telco refund bill
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-23 17:00:09
MANILA — Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukalang batas na nagtatakda ng awtomatikong refund para sa mga subscriber ng internet at telecommunication services na maaapektuhan ng service interruptions.
Sa botong 278 na pabor, nakalusot ang House Bill No. 9021 o ang Refund for Internet and Telecommunications Services Outages and Disruptions Act. Layunin ng panukala na obligahin ang mga telco at internet service providers na awtomatikong magbigay ng refund o bill adjustment sa kanilang mga kustomer kapag nagkaroon ng aberya o pagkaantala sa serbisyo.
Binanggit ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kahalagahan ng panukala, “Stable Internet is tantamount to a basic human right nowadays given its many applications that make life easier.” Dagdag pa niya, bahagi ito ng pangako ng Kongreso na protektahan ang mga konsumer at panagutin ang mga service providers.
Ayon sa panukala, ang refund o bill adjustment ay kakalkulahin batay sa haba ng service interruption. Hindi na kakailanganin ng mga subscriber na magsampa ng reklamo dahil awtomatikong ipatutupad ng mga telco at ISP ang mekanismo.
Itinuturing ng mga mambabatas na napapanahon ang panukala dahil sa lumalaking pag-asa ng publiko sa digital connectivity para sa trabaho, edukasyon, at pang-araw-araw na transaksyon. “Getting a refund for service failure is only just,” diin ni Romualdez, na iginiit na karapatan ng mga konsumer ang makatanggap ng patas na serbisyo.
Inaatasan din ng panukala ang National Telecommunications Commission (NTC) na bumuo ng implementing rules and regulations, kabilang ang pagbabantay sa pagsunod ng mga kumpanya at pagpapataw ng parusa sa mga lalabag.
Kapag naisabatas, inaasahang magbibigay ito ng mas matibay na proteksyon sa mga konsumer at magtutulak sa mga telco at ISP na pagbutihin ang kalidad ng kanilang serbisyo.
