Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rep. Bojie Dy, Bagong House Speaker: Isusulong ang Transparency at Accountability

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-09-18 09:51:36 Rep. Bojie Dy, Bagong House Speaker: Isusulong ang Transparency at Accountability

Opisyal nang nahalal bilang bagong Speaker of the House of Representatives si Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” G. Dy III noong September 17, 2025, matapos makakuha ng 253 boto, walang tutol, at 28 abstentions. Ang pagbabagong ito sa liderato ay nangyari matapos bumaba si Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez bilang Speaker. Ayon kay Romualdez, ang kanyang pagbibitiw ay hakbang para mapanatili ang tiwala ng publiko at bigyang-daan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magsagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng iregularidad sa flood control at iba pang infrastructure projects nang walang interference.

Matapos manumpa sa tungkulin sa harap ni Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel Lopez Benitez, nagbigay ng talumpati si Speaker Dy na naglatag ng kanyang adbokasiya bilang bagong lider ng Kamara. Binigyang-diin niya na magkakaroon ng pagbabago sa HRep sa kanyang pamumuno at tiniyak na hindi niya ipagtatanggol ang mga nagkasala o poprotektahan ang mga tiwali. Aniya, panahon na para ibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamamagitan ng transparency at integridad, at tiniyak niya na pakikinggan at pagtutuunan ng pansin ang boses ng mga ordinaryong Pilipino.

Ipinahayag din ni Dy ang kanyang buong suporta sa ICI at tiniyak na walang posisyon, kaalyado, o opisina ang ligtas kung mapapatunayang may pananagutan sa anomalya. Isa sa mga pangunahing tutok ng kanyang pamumuno ay ang pag-realign ng national budget upang mas diretsong masagot ang pangangailangan ng mamamayan at alisin ang mga alokasyong may bahid ng katiwalian. Pinasalamatan niya si Romualdez sa maayos na transition ng liderato at ipinahayag ang kanyang pag-asa na magsisimula ang isang bagong yugto ng reporma at tapat na paglilingkod sa Mababang Kapulungan.