Senate Panel, Tinalakay ang 2026 Budget ng DOST at PhilSA
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-18 09:51:34
Pinag-usapan ng Senate Finance Subcommittee L na pinamumunuan ni Sen. Camille Villar noong Miyerkules, September 17, 2025, ang proposed 2026 budgets ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Philippine Space Agency (PhilSA) kasama ang mga attached agencies ng DOST.
Ayon sa National Expenditure Program (NEP), humihiling ang DOST ng ₱30.39 bilyon, habang ang PhilSA naman ay nag-propose ng ₱1.38 bilyon para sa mga proyekto nito sa space research, satellite development, at iba pang teknolohiya. Dumalo rin sa briefing ang mga kinatawan mula sa Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) para magbigay-linaw tungkol sa budget at fiscal accountability.
Binanggit ni Sen. Villar na dapat siguraduhin na ang mga pondo para sa science and technology ay may direktang pakinabang para sa mga Pilipino, at hindi lamang nananatili sa research o technical outputs.
Si Sen. Win Gatchalian naman ay nag-highlight ng kahalagahan ng satellite imagery para makatulong sa transparency at monitoring ng mga government projects gaya ng flood control. Tinukoy niya ang proyekto ng PhilSA na Multispectral Unit for Land Assessment (MULA) satellite na makakatulong sa mas advanced na Earth observation.
Samantala, hinikayat ni Sen. Rodante Marcoleta ang PhilSA na mas maging hands-on sa mga programang may direktang benepisyo sa taumbayan, at hindi lamang nakatuon sa malalayong layunin.
Ipinahayag naman ni Sen. Loren Legarda na nakakadismaya na ang DOST at mga attached agencies nito—na responsable sa research and development, weather monitoring, disaster risk mapping, at space exploration—ay nakakatanggap pa rin ng mas mababa sa isang porsyento ng national budget. Ayon sa kanya, kailangan bigyan ng mas malaking suporta ang science at technology para sa paglago at resiliency ng bansa.
Sa naturang pulong, ipinresenta ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang budget proposal ng ahensya para sa 2026, habang nagbigay rin ng detalye ang mga opisyal ng PhilSA tungkol sa kanilang mga proyekto at pangangailangan, na sinamahan ng paliwanag mula sa DBM at COA.
Sa huli, binigyang-diin ng mga senador na mahalaga ang science, technology, at space research para sa sustainable development ng bansa, ngunit dapat ay makita agad ang tangible na resulta at benepisyo nito sa buhay ng mga Pilipino.
